Sa murang edad na 10, kumakayod na sa palengke sa General Santos City ang batang si Liza para tulungan ang kaniyang ina na single mother sa pagtitinda at paglilinis ng isda. Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing binansagan na "Prinsesa ng Banyera" sa palengke si Liza, na patuloy din sa pag-aaral kahit tumutulong sa kaniyang ina.Sa isang kubo nakatira si Liza kasama ang kaniyang mga kapatid at kaniyang ina. Kahit walang pasok sa eskuwelahan, maaga pa rin siyang gumigising para sumama sa pagtitinda sa palengke.Sa palengke, pinipili niya at pinaghihiwalay ang paninda nilang isda depende sa sukat. Siya na rin ang nagkakaliskis at naglilinis sa isda, partikular ang tilapia.Kahit matalas ang kutsilyo na gamit niya sa paglilinis ng isda, hindi natatakot si Liza dahil hindi naman daw siya nasusugatan. Natutunan niya ang naturang gawain sa pamamagitan ng panonood lang sa kaniyang ina na si Flora.Dahil sa kasipagan ni Liza, marami ang humahanga sa kaniya, pati na ang ibang nagtitinda sa palengke. Mayroon ding nag-aalala na baka masugatan siya sa kaniyang ginagawa.Sa isang araw, kumikita ang mag-ina ng P500 hanggang P700, sapat lang para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.Batid daw ni Flora na marami ang kuwestiyon sa kaniyang pagiging ina nang mag-viral ang video ni Liza na nakitang nagtatrabaho sa palengke.Pero nilinaw niya hindi niya inuutusan ang kaniyang mga anak. Sa halip, kusa umanong tumutulong sa kaniya ang mga bata, na pinatotohanan ni Liza."Dahil maysakit na po siya eh. Masakit yung ulo niya, masakit yung kamay niya, masakit lahat, pati paa niya," sabi ni Liza na hindi napigilang umiyak. "Tutulungan po namin siya."Hiwalay sa asawa si Flora at mag-isa niyang itinataguyod ang anim nilang anak. Aminado siya na mahirap ang maging single mother pero hindi raw niya ito ipinapakita sa mga bata.Si Liza, hindi itinago ang lungkot nang iwan sila ng kaniyang ama dahil nagbago raw ang kanilang pamumuhay mula noon."Noong meron pa si papa masaya kaming lahat. Kumakain kami nang maayos, makatulog kami nang maayos. Ngayon wala na," sabi ni Liza.Sa kabila ng lahat, buo pa rin ang pangarap ni Liza na maging duktor kaya nagsisikap siya sa pag-aaral na Grade 5 na ngayon. Kung masipag si Liza sa pagtatrabaho, ganoon din sa pag-aaral. Ayon sa kaniyang guro, aktibo sa klase si Liza.Dahil na rin sa kalagayan nila sa buhay, ang bahay nina Liza, walang kuryente. Kaya laking gulat nila nang isang araw na may maghatid sa kanila ng mga regalo, kabilang ang isang electric fan na may kasamang sorpresa.Panoorin sa video ang buong kuwento at alamin kung ano sorpresa sa mag-iina na nagpaiyak sa kanila sa tuwa. --FRJ, GMA Integrated News