Tila triple rin ang dagok sa buhay ng isang padre de pamilya nang biglang pumanaw ang kaniyang misis dahil sa pneumonia matapos isilang ang anak nilang triplets noong 2021. Kaya naman kinailangan niya noon na manawagan ng tulong para sa gatas ng mga sanggol. Kumusta na kaya ang kalagayan ng mag-aama ngayon? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Joel Regal, na ikinasal kay April noong 2021. Buntis na noon si April pero hindi ito madali dahil triplets ang kaniyang dinadala.

Habang nagbubuntis, nagkasakit sa puso at nagkaroon ng tubig sa baga si April dulot ng pneumonia.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, pumanaw si April isang araw nang magkaroon ng komplikasyon matapos isilang ang triplets nila ni Joel.

Gayunman, ipinagpapasalamat pa rin ni Joel na buhay na nailuwal ang tatlo nilang sanggol.

Dahil maaga ring nawalan ng magulang si Joel noong bata siya nang binawian ng buhay ang kaniyang tatay, at iniwan sila ng kaniyang ina, nangako si Joel na hindi niya hahayaang maranasan din iyon ng kaniyang mga anak. Kaya ginawa niya ang lahat para maitaguyod ang mga bata.

Naging katulong niya ang kaniyang mga manugang sa pangongolekta ng donasyong breast milk, maging sa pagpapalit ng diaper, at pagpapatulog sa triplets.

“Yung time po na ‘yun talaga, wala akong malapitan. Nag-decide po akong mag-post kung sinong willing mag-donate. Nakakatuwa po na gano'n, maraming nag-response. Bukod po sa breast milk na ibinigay nila sa mga bata, nagbigay rin po ng tulong pinansyal,” ani Joel.

Mula 2021 hanggang nitong 2025, nagsisilbing tatay at nanay sa kaniyang tatlong anak si Joel, at aminado siyang hindi naging madali.

“May point na talagang napangihihinaan ka talaga ng loob. Mahal na mahal ko po 'yung asawa ko. Buhay niya po 'yung naging kapalit dito. Bilang pagmamahal po sa kaniya, ito na lang 'yung tanging magagawa ko para sa kaniya, 'yung mahalin, alagaan at ingatan 'yung mga anak namin,” sabi ni Joel.

“‘Huwag kayong mag-alala mga anak, andito lang palagi si tatay.’ Sinasabihan ko po talaga sila na gagawin ko lahat para sa kanila. Kahit ako na lang, gagawan ko ng paraan para mapalaki sila nang maayos,” dagdag niya.

Nababawi naman ang kaniyang pagtitiyaga at pagsasakripisyo sa tuwing nakikita ang mga anak, at pakiramdam niyang parang kasa-kasama pa rin niya ang asawa.

“Sobrang lalambing po ng mga bata. Sobrang talagang, 'yung makita mo silang sumasalubong sa'yo habang papauwi ka sa galing trabaho,” anang padre de pamilya

Para mairaos ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, nagtatrabaho si Joel bilang factory worker at nagva-vlog sa buhay nilang mag-aama.

Ngayong Hunyo, mag-aaral na ng nursery ang triplets.

Samantala, masugid na follower ni Joel si Sess Villapaña, na pinalaki rin ng isang single father, at nakare-relate sa kuwento ng pagsusumikap ni Joel.

Tunghayan sa “Good News” ang sorpresang handog ni Sess kay Joel, at ang pagbisita ng mag-aama sa puntod ni April.—FRJ, GMA Integrated News