Naging bahagi na ng buhay ng ilan ang pag-eehersisyo at marami na rin ang nahihilig sa pagtakbo. Pero bago gawin ang mga ito, payo ng isang strength and conditioning coach, importanteng magpasuri muna sa doktor lalo na kung may medical history ng sakit.

Ayon sa strength and conditioning coach na si John Aquino, kung kaya, humingi muna ng professional advice sa sisimulang fitness journey para maging akma sa iyong katawan at goals ang mga exercises na gagawin.

At bago mag-exercise, importante ang pagwa-warm-up dahil inihahanda nito ang katawan para sa physical activity at sinusuportahan nito ang blood flow sa mga muscles na gagamitin sa pag-e-exercise.

Mas mataas daw ang tiyansang magkaroon ng injury kung hindi nagwa-warm-up.

“Think of our muscle as a rubber band…if you take that rubber band out of the freezer tapos stretch mo siya, anong mangyayari? Mapuputol, mapupunit so ganun din yung muscle natin, if it’s not warm, if it’s not elastic enough mas mataas ang chance na mapunit ang goma or mainjure yung muscles natin pag kulang sa warm-up.” ani Aquino.

Ang mga nakausap naming runners, batid daw ang kahalagahan ng warm-up bago tumakbo.

Tulad ni Klyne Ilagan na naranasan na raw na sumakit ang katawan nang hindi siya mag-warm up bago tumakbo.

Para naman kay Arthur Batbatan, mabilis siyang mapagod sa pag-e-exercise kapag hindi siya nakapag- warm up.

May mga benepisyo rin daw ang cool down exercises.

“It’s not as important as warming up but if you want to reduce soreness, if you want to recover faster and improve flexibility, maganda ang cool down.” sabi ni Aquino.

Sa pagwa-warm up, pwedeng mag-arm reach with a side bend, arm swings, hamstring stretch at world's greatest stretch.

Matapos ang pagtakbo, para mag-cool down, puwedeng mag-quad stretch, calf stretch, glutes stretch, at hamstring stretch. — BAP, GMA Integrated News