Laking gulat ng isang pamilya sa Angeles, Pampanga nang makita nila sa isang nakaimbak na kahon sa loob ng kanilang bahay ang isang lumang bag na may lamang pera na may malaking halaga. Sino kaya ang may-ari nito at may iba pa kayang nakatagong pera sa bahay? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing limang taon nang nakaimbak ang kahon sa gilid ng kama nina Tatay Fred at Nanay Grace, makaraang silang lumipat sa naturang bahay.
Matapos ang kanilang paglipat, naging abala na sila sa itinayo nilang tindahan kaya nakalimutan na ang iba pa nilang gamit na bitbit na inilagay nila sa mga kahon.
Hanggang sa isang araw, naisipan ni Tatay Fred na maglinis ng kanilang kuwarto at doon na niya nahalungkot ang isang kahon. Sa loob ng kahon, nakita niya ang isang lumang bag na hindi sa kaniya.
Kaya ipinaubaya niya sa kaniyang anak na si Onyok at kay Nanay Grace na alamin ang laman ng bag at kung kanino ito. Nang buksan nila ang bag, doon na nakita ang mga perang papel na mula sa halagang tig-P20 hanggang sa pinakamataas na tig-P1,000.
Nang bilangin nila ang pera, umaabot ang kabuuan nito sa halagang P98,000.
Naalala naman ni Nanay Grace na sa kaniya ang naturang bag na pinaglalagyan niya ng pera na kaniyang iniipon. Sadya raw masinop sa pera si Nanay Grace. Pero kung noon ay sa bangko niya inilalagay ang itinatabi niyang pera, nagbago ito nang biglang nagsara ang dati niyang bangko.
Dahil aminado si Nanay Grace na nagiging makakalimutin na siya dahil na rin sa edad niyang higit 60’s, nagtanong ang anak niyang si Onyok kung may iba pa siyang pera na itinatago sa bahay.
Hanggang sa napansin ni Onyok ang isang cabinet sa kanilang bahay na hindi nagagalaw at mayroong kandado. Nang buksan niya ang kandado, doon na tumambad ang iba pang itinatagong ipon ni Nanay Grace.
Alamin sa video kung magkaano naman ang kabuuang halaga ng pera na nasa cabinet, kabilang ang mga dating bonus na natatanggap ni Tatay Fred. Alamin din kung ano ang ginawa nila sa pera na ang iba ay wala na sa sirkulasyon ngayon. Panoorin ang buong kuwento. – FRJ, GMA Integrated News
