Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang magkapitbahay na Rey Lause at Limo Timogan, na dating magkatrabaho sa isang pest control company.
Kalaunan, nag-resign sila at nag-sideline na lang sa pag-alok ng sarili nilang pest control services.
Ibina-vlog din nila ang paghuhukay at paggiba ng mga punso para kumita. Gayunman, aminado silang natatakot sila dahil may mga nakatira umanong nuno at baka gantihan sila ng mga ito.
Mayo 11 nang magtibag sila ng isang punso sa isang bakanteng lote nang may matamaan silang matigas na bagay.
Nang hukayin at pagpagin, natuklasan nilang isa itong itim na lagayan. Binuksan nila ito, at dito na tumambad ang mga luma at malalaking barya.
Kanilang hinala, ipinagkaloob ito ng kanilang mga kaibigang nuno.
“Merong duwende talaga na laman. Maaaring ibinigay nila sa amin ‘yon,” sabi ni Timogan.
“Baka ito na ‘yung sagot sa kahirapan. Baka ‘yun na ‘yung suwerte namin,” sabi ni Lause.
Karamihan sa mga baryang kanilang nahukay ang mga lumang piso mula pa taong 1972 at 1974, na may inukit na mukha ni Dr. Jose Rizal. Mayroon ding mga lumang dalawang pisong barya sa dekada 90 na may nakaimprentang mukha ni Gat Andres Bonifacio.
May kasama rin itong ilang piraso ng quarter at half US dollar na barya mula noong dekada 70.
Kinutuban ang magkaibigan na baka may mga nakabaon pang yaman sa iba pang punso sa bakanteng lote, kaya winasak din nila ito.
Isang jewelry box naman ang kanilang nahukay, na naglalaman ng dalawang kwintas kung saan isa ay may perlas.
Itinanggi naman ng magkaibigan na ibinaon nila ang mga kahon.
Ang may-ari naman ng bakanteng lote, tumangging makapanayam, dahil hindi umano nagpaalam sina Lause at Timogan.
Tunghayan sa KMJS ang ginawang pagsusuri ng isang antique collector tungkol sa halaga ng mga nahukay na barya at alahas ng magkaibigan. Ito na kaya ang maghahatid sa kanila ng yaman? Panoorin. —Jamil Santos/LDF GMA Integrated News
