Kinaantigan ng netizens ang video ng isang ginang na yakap-yakap at sinasabayang humahagulgol ang inang naghihirap dahil sa sakit na cancer. Ang lola, hiniling na makitang magkakasama ang mga anak at apo sa kaniyang tabi.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng paghihirap ni Nanay Erlinda, habang yakap-yakap ng anak na si Jayrin Sanguenza.

“Diyos ko! Nahihirapan na ako. Kunin mo na ako,” sabi ni Nanay Erlinda.

Saksi si Jayrin sa mga sigaw at pagdurusa ng kaniyang ina.

Hindi man ramdam mismo ni Jayrin ang pisikal na kalbaryo ng ina, saksi siya sa bigat na pinagdadaanan ng ina.

Taong 2018 nang matuklasang may breast cancer si Nanay Erlinda.

Cancer-free na si Nanay Erlinda ng anim na taon, hanggang sa muli namang natuklasan ang kaniyang cancer na napunta na sa kaniyang baga noong 2024.

“Lumaban siya sa cancer sa lungs. Ang journey niya, three months lang siyang nag-chemo, 3 cycles. And after three cycles, hindi kinaya ng katawan niya, then nag-stop kami. After two months, dahil mayroon siyang diabetes, naputulan pa siya ng paa that time, noong March. Then after nu’ng June 6, namatay na ‘yung nanay ko. Hindi na niya nakayanan lahat ng sakit at paghihirap,” kuwento ni Jayrin.

Marami ang nakisimpatiya kay Jayrin online matapos i-upload ang video na yakap-yakap niya ang ina at sinasabayan ito sa pag-iyak.

“That time kay Lord lang talaga ako humihingi ng lakas. Sa pinagdaanan namin, araw-araw ka, sasabihin mo na, ‘Lord, ganito na naman?’ Siyempre mananalig ka, ‘yung faith mo na, ‘Lord sana bukas paggising ko, okay na,’” sabi ni Jayrin.

Sa araw na nakunan ang viral video ng mag-ina, humiling si Nanay Erlinda na makitang magkakasama ang kaniyang mga apo’t anak sa kaniyang tabi.

Natupad naman ang hiling ni Nanay Erlinda noong magdiwang sila ng kaniyang kaarawan, apat na araw bago siya mamaalam.

Sa gitna ng mga pagsubok ni Jayrin, pinayuhan niya ang lahat ng mga anak na mahalin nang wagas ang kanilang mga magulang habang may oras.

“Kasi ako, kahit ibigay ko na lahat ng time, effort, sacrifices ng nanay ko that time, nu’ng nawala siya, parang gusto ko pa rin siya ibalik dito sa lupa,” sabi ni Jayrin.

Ibinahagi ni Jayrin ang mga salitang galing mismo sa pumanaw niyang ina.

“Naniniwala rin ako na kapag mabuti ka sa mga magulang mo, ibe-bless ka ni Lord. Kahit ano mang gawin mo sa buhay mo, ibe-bless ka ni Lord. ‘Yun lang. Sabi nga ng nanay ko palagi rin sa akin, ‘Lahat ng ginawa mo sa akin, may ganti ‘yan galing sa Itaas,’” ani Jayrin. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News