Nakapapawi na ng uhaw, nakagiginhawa pa ng buhay para sa isang 24-anyos na entrepreneur ang kaniyang negosyo na fresh fruit juice. Ang negosyo na sinimula sa puhunang P500, kumikita na ngayon ng aabot sa 5 to 6 digits kada buwan depende sa panahon.
Sa nakaraang episode ng “Pera, Paraan,” itinampok ang negosyong “Fresh Juice Co.” ni Jai Danganan, na hands-on sa kaniyang negosyo-- mula sa production, delivery, marketing, hanggang sa pagbebenta.
“Lalo na ‘pag mag-start ka pa lang po nang maliit, kailangan ikaw muna po. Kasi kung kukuha ka agad ng mga tao, baka 'yung mga kinikita mo, mapunta lang sa mga tao. Mahirapan ka mag-expand ng business and mapalaki ‘to. So, kayang-kaya naman kahit mag-isa ka lang sa business, basta time management and tiyaga lang sa pagbenta,” sabi ni Danganan.
Nagtapos sa kursong entrepreneurship si Danganan sa University of Santo Tomas noong nakaraang taon. Nakatulong ang kaniyang mga natutunan sa pinasok niyang negosyo.
Pagmamalaki ni Danganan, hindi sila nagdadagdag ng preservatives, all natural, at gawa sa mga natural na prutas ang kaniyang produkto.
“So, ginawa ko itong product na ito para mag-provide ng healthy option na beverage sa mga tao. Siguro, hindi ko nakikitaan ng ganu’ng kalaking market 'yung fruit juices, lalo na 'yung mga bottled juices. Kasi ngayon, focus sila sa coffee. So, ako, nag-isip ako ng ibang business na papatok din, lalo na dito sa Pilipinas kasi mainit 'yung panahon natin,” sabi ni Danganan.
Nang magsimula sa puhunang P500, mga Zumba dancer ang unang customers ni Danganan sa una niyang flavor na buko juice. Makaraan lamang ang isang buwan, nakabenta na siya ng 1,000 piraso ng buko juice.
Kalaunan, nadagdagan na rin ito ng ibang fruit flavors.
Bukod sa pakwan at lemonada, bestseller din ang kaniyang coconut lychee. Mayroon din siyang flavor na dalandan, mango at pure coconut water, sa halagang P85 to 90 kada bote ng fruit juice.
Sa halaga namang P3,488, puwede nang ma-avail ang kanilang reseller package.
Nagsu-supply si Danganan sa tatlong unibersidad sa Maynila, na malakas sa mga school canteen at target market niya ang mga atleta.
“Kumikita na rin po 'yung business ko ngayon ng 5 to 6 digits po, depende po sa season,” sabi ni Danganan. – FRJ GMA Integrated News
