Binabalik-balikan ng mga turista ang San Felipe, Zambales dahil sa maganda nitong beach at matatayog na punong agoho na tila pine trees. Subalit pagkalipas ng ilang taon nagbago na ang hitsura sa ilang lugar dahil sa pagkasira ng dalampasigan, at apektado maging ang mga resort. Ang itinuturong dahilan ng mga apektadong residente-- ang matinding sand dredging o pagkuha ng buhangin sa ilalim ng dagat at mga ilog para gamitin sa ibang dahilan. May basehan ba ang kanilang hinala. Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing noong 2019 nagsimulang magbigay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga permit para sa dredging sa tatlong pangunahing ilog sa Zambales: Bucao River sa Botolan, Maloma River, at Santo Tomas River sa San Felipe. Layunin ng Administrative Order No. 13 Series of 2019 na protektahan ang mga ilog at maiwasan ang pagbaha.

Ayon sa isang kinatawan, sobrang barado na ang mga ilog dahil sa buhangin. At kung maayos at pagkakaalis ang mga buhangin, babalik sa natural na daloy ang tubig sa ilog.

Noong 2021, sinimulan ang dredging sa Botolan. At noong 2024, sinimulan din ito sa San Felipe. Mula noon, napansin ma umano ng mga residente ang negatibong epekto ng ginagawang paghuhukay.

Bumisita ang team ni Jessica Soho sa San Felipe para personal na makita ang kalagayan ng lugar at madinig ang reklamo ng mga residente. Doon, tumambad ang mga natumbang punong agoho na nasa dagat na, at maging ang ilang bahay at gusali na sira at inabandona na.

Isa sa mga naapektuhan ng dredging sa Sto. Tomas River ay ang resort na pagmamay-ari ng negosyanteng si Eli.

"Sa ngayon, Ma'am, napaka-worst talaga ang nangyayari. Halos 'yan sira-sira lahat. Hindi na kami makapagtanggap ng guest dahil dyan," ayon kay Eli.

Kuwento ni Eli, sa tapat mismo ng kanilang resort ginagawa ang dredging, mula madaling-araw hanggang buong araw. Sanay daw sila sa pagbaha pero hindi ito tumatagal noon.

Naniniwala rin ang Zambales Ecological Network na may kinalaman ang dredging sa nangyayaring pagbaha sa kanilang lugar.

"Ang Zambales ay never napunta sa listahan ng mga calamity areas as a result of flood. Never. Because meron nga kaming drainage area na pagkalaki-laki, na West Philippine Sea. So lahat ng ilog namin papunta dito, mga streams, lahat ng tubig, papunta dito sa dagat," ayon sa kinatawan nito.

"Dito sa kabilang ibayo na, sa kabila ng dagat, ng ilog, ng Santo Tomas River, nababaha kami because meron kaming ilog du'n na drainage din, dinike din nang pagkataas-taas. Eh dati paganyan-ganyan lang ang tubog doon, tapos mag-drain towards the West Philippine Sea. So now, nata-trap 'yung tubig," dagdag ng grupo.

Ayon naman sa DENR, hindi dredging ang sanhi ng pagbaha kundi accretion o ang pagdagdag noon ng lupa o bato sa kalupaan. Sa Zambales, bunga ito ng pagsabog ng Mount Pinatubo noong 1991.

Sinabi ng isang provincial engineer na hindi dapat tinayuan ng estruktura ang mga lugar na apektado ng accretion. Aniya, maraming pekeng dokumento ang kumakalat at inaangkin ng mga negosyante na may mga permit sila. Dahil dito, itinatag ng gobernador ang Foreshore Management Council.

Ayon kay Eli, kung delikado talaga ang lugar, hindi sana ito itinaguyod bilang tourist site. Aniya, may mga legal na dokumento sila.

"Kami, nag-invest kami, bumili kami in good faith. Hindi po kami tumayo lang dito na nang-agaw kami ng lupa na sinasabi ng gobyerno na sa kanila. Binili po namin 'yun, may proof kami ng mga documents na binili namin. Hindi kami basta lang tumayo rito," katwiran niya.

Kasama sa pagkasira ng kanilang kabuhayan at pagkakalubog nila sa utang.

"'Yung mga tao namin dito lokal lang dito ng San Felipe at Narciso, sila umaasa lang din ang pamilya nila dito sa amin. 'Yung kita namin kung kumikita kami kumikita sila, pagkatapos nito wala na, wala na silang trabaho, kasi kami ang nagbibigay trabaho dito sa local," dagdag niya.

Ngunit hindi lang ang mga nakikinabang sa turismo ang apektado sa dredging kung hindi maging ang mga mangingisda.

"Pati mga bangka hindi namin maibaba dahil malalaki 'yung mga bato na nakaharang sa kalsada," sabi ni Myra. "Napasukan na ng tubig 'yung bahay namin dahil sa sobrang lakas ng alon. Pero noon, hindi naman nangyayari 'yan. Ilang taon na kami nandito. Bumabagyo pero hindi naman umaangat yung mga alon dito sa amin."

"Pero magmula nga nu'ng nakuha 'yung mga buhangin sa harap namin, siyempre gagamutin niya 'yung sarili niya, kukunin niya 'yung mga buhangin na nawala sa kanya. Kinukuha na niya dito sa taas," patuloy niya.

Bagaman tumigil na ang dredging sa kanilang lugar noong nakaraang taon, pero hanggang ngayon ay dama pa rin nila ang epekto nito.

Sa kabila ng mga hinaing ng mga residente, bakit nga ba hindi kumbinsido ang ilang opisyal ng pamahalang panlalawigan na ang dredging ang dapat sisihin sa nangyayari sa dalampasigan? At saan ng aba napupunta ang mga buhangin na kinukuha mula sa Zambales? Panoorin ang buong ulat.-- mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News