Karaniwang umaabot sa mahigit P100 ang presyo ng tatlo hanggang apat na piraso sa kada order ng shrimp tempura sa mga restaurant. Ngunit sa isang food cart sa Quiapo, Maynila, makakabili ng tempura sa halagang P15 hanggang P25 kada piraso depende sa sukat. At kapag may promo, saradong P100 naman ang pitong piraso.
.Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang “Anoney Tempura Ney,” ni Francis Dizon na matatagpuan sa Carlos Palanca sa Quiapo.
Ayon kay Dizon, siya ang kauna-unahang nagbenta ng tempura sa kalye sa Quiapo.
“Marami na riyang nag-pares, marami na riyang nagkwek-kwek, seafood talaga. Ang naisip ko, parang wala pa kong nakikitang tempura,” sabi ni Dizon, na inaral daw nang mabuti ang recipe ng tempura.
“Nag-research ako. Hindi ko basta-basta ‘yung biglaan. Pinag-aralan ko talaga lahat, hanggang sa ma-perfect ko nga ‘yung tempura,” dagdag niya.
Maaga siyang gumigising ng 5 a.m. o 5:30 a.m. para mamalengke ng mga sariwang hipon sa mga palengke sa Navotas at Malabon. Naibaba niya ang presyo ng tempura dahil inalam din niya kung saan ang pinakamurang bagsakan ng hipon.
Maliban sa sariwa ang hipon, ang nagpapasarap daw sa kaniyang tempura ang kaniyang special butter coating na nagpapa-crispy rin dito.
Ang mga nakatikim sa tempura ni Dizon, agree na masarap at mura ang kaniyang paninda.
Matapos magsimula noong Marso, may tatlong cart na ngayon ng tempura si Francis at kumikita ng five digits kada buwan.
Paano nga ba gawin ang shrimp tempura? Panoorin ang video ng “I-Juander.” – FRJ GMA Integrated News
