Dinarayo ng mga customer ang isang kainan sa gilid ng kalsada sa Caloocan dahil sa tinda nitong buttered mixed seafoods na pang-masa ang presyo sa halagang P99 ang kada order.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang food stall ni Roger sa Sabalo Street sa Barangay 14, na bida ang buttered seafood na may lamang hipon, pusit, alimasag at tahong, na may kasama pang mais.

At kahit mura ang presyo, hindi naman daw tinipid ang sarap ng kaniyang produkto. Puwedeng dine-in, at puwede ring mag-takeout.

“Bale ma'am, isang araw itinayo ko po ‘yan. Napakalit lang ng puhunan, utang pa po. Wala naman akong sarili talagang pera. Kapos talaga ako nu’ng inumpisahan ko po ‘yan,” kuwento ni Roger.

Ngunit sa loob lamang ng tatlong linggo, tatlong puwesto na agad ang napatakbo ni Roger. Siya rin ang gumagawa mismo ng food stalls.

“Una, masaya na ako kahit bumenta lang po ako ng P3,000, P4,000, pangkain lang po namin. Noong unang araw po, naubos po. Second day po, mas lalong malaki po 'yung benta. Then, pangatlong araw po, ma'am, bumenta na ako nang malaki,” kuwento niya.

Araw-araw, nakakaubos daw si Roger ng halos 50 kilo ng seafoods.

Ayon kay Roger, hindi naman siya nalulugi sa pagbenta niya nang mababa sa kaniyang produkto dahil mura lang din niyang nakukuha ang mga seafood. May sarili na siyang suki kaya mas mura ang nabibili niyang lamang dagat.

Tunghayan sa “I Juander” kung paano inihahanda ni Roger ang kaniyang patok na mixed seafoods. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News