Pinipilahan sa Juan Luna sa Tondo, Maynila ang isang tindahan ng okoy dahil sa crunchy at siksik ito sa laman. Sa likod ng matagumpay na kuwento ng maliit na negosyo, ang pagbangon ng tindera ng okoy matapos madapa siya noon sa buhay dahil sa paggamit niya ng ilegal na droga.
Sa isang episode ng “Good News,” itinampok si Ava Alarcos, mag-ari ng Ava’s Okoy, na nagsimulang magtinda ng ulam na sinasamahan nila ng okoy noong 2000.
Nagsimula ang recipe niya ng okoy mula sa kaniyang ama, habang katulong naman siya sa pagtitinda.
Sa dami ng mga suki na bumibili ng kaniyang okoy, kaya niyang umubos ng 10 hanggang 13 kilo ng mga sangkap sa okoy sa isang araw ngayon.
Gawa sa galapong ang wrapper na gamit ni Ava sa kaniyang okoy, na nilalagyan ng toge, tokwa, medium-sized hipon at kalabasa.
Ngunit ang talagang nagpasarap sa kaniyang special okoy ang paggamit niya ng malagkit, na siyang nagpapalutong dito.
Sa likod ng tagumpay, dumaan sa matinding hamon ng buhay si Ava nang madetine siya noong 2020 dahil sa paggamit ng ilegal na droga.
“Nandu’n po ako sa labas noon eh. Siyempre po nakikita ko 'yung mga taong ganu'n. Parang pati ako na pa ganu'n na rin po. Talagang masamang impluwensiya, barkada,” sabi ni Ava.
Unti-unting bumangon si Ava at nagdesisyong magbagong buhay. Makaraan ang isang taon at anim na buwan sa kulungan, back in business na ulit si Ava.
“Tinulungan ako ng anak ko at kapatid ko. Tinulungan ako ng anak ko makapagtinda uli ng okoy dahil alam niyang ‘yun po 'yung negosyo na marunong ako,” pagbahagi niya.
Mula sa dating tuwing Linggo lang bukas ang kaniyang okoy business, ngayon, dinadayo na rin ito ng mga suki tuwing Sabado.
Kaya naman ang kita niya, nadagdagan na rin.
Mensahe niya sa ibang nalululong sa ilegal na droga, “Tama na po kasi wala namang mangyayari. Paulit-ulit lang. Hanggang may buhay, may pag-asa po,” payo ni Ava sa mga nalulong sa droga.
Tunghayan sa video ang paggawa ng okoy, at ang iba pang kuwento ng mga matagumpay na okoy business.—FRJ GMA Integrated News
