Noong Hunyo, umani ng reaksyon mula sa ilang Gen Z netizens ang isang sikat na broadcaster nang bigkasin niya ang salitang "bembang" sa kaniyang programa. Para sa mga Gen Z ngayon, iniuugnay nila ang nasabing salita tungkol sa pakikipagtalik, habang sermon o gulpi ang kahulugan nito para sa mga naunang henerasyon, na siyang nasa isip din noon ng brodkaster. Paano nga ba nakakaapekto sa komunikasyon ng mga Pinoy ang pagkakaroon ng ibang kahulugan sa salita?
Sa eksklusibong panayam ng GMA News Online, ipinaliwanag ng National Artist for Literature na si Virgilio Almario, na ang paglikha ng mga “sariling” wika o jargon ng iba’t ibang henerasyon ay nangyayari din sa ibang bansa, hindi lang sa Pilipinas.
“Gumagawa sila ng sarili nilang jargon para maiba o kaya hindi sila matandaan, hindi malaman 'yung kanilang pinag-uusapan ng mga matatanda. Kaya 'yung mga younger generation, gumagawa ng sarili nilang wika,” sabi ni Almario.
Pag-alala niya, pinauso nila noong kaniyang kabataan ang pagbabali-baligtad o pag-iiba ng ispeling at mga pantig ng mga salita, bagay na patok pa rin hanggang ngayon ang iba.
Ilan pa sa mga ginagamit na salita ng makabagong henerasyon ngayon ang “lodi,” na binaligtad na “idol,”; “sakalam,” na “malakas”; “omsim,” na binaligtad na “mismo.”
“Ang pagbabaligtad ay malimit gawin ng mga nais na hindi sila agad maintindihan,” wika ni Almario, na binigyan-diin na kahit binaliktad ang salita, hindi naman nag-iba ang kahulugan.
Tutol kasi si Almario na bigyan ng bago o ibang kahulugan ang isang salita.
“Pero itong nangyari dito sa ‘bimbang,’ pambihira ito eh. Na ‘yung wika, ang ginagawa nila, binabago nila ang kahulugan,” sabi niya. “May binago rin sila roon, binago nila 'yung ispeling. ‘Bimbang,’ ginawa nila ‘bembang.’”
Para kay Almario, hindi ito nakatutulong sa komunikasyon, at pagmumulan ng miscommunication o hindi pagkakaunawaan.
WATCH: Power Talks with Pia Arcangel: Charot at wika—Virgilio Almario sa ebolusyon ng panitikan at kultura
“‘Yung aking palagay, hindi maganda for communication 'yung gano'n. Sasabihin 'yun na ang meaning na nasa isip ay 'yung lumang meaning, na ang nakarinig naman ay iba ang meaning, magkakaroon ng miscommunication. Hindi maganda 'yung gano'n,” puna ng national artist.
“Kung language ay communication, dapat mag-communicate ka. Kung gagawa kayo ng sarili ninyong language, mag-communicate kayo sa isa't isa. Pero hindi nag-miscommunicate ka sa iba. Hindi maganda,” dagdag niya.
Hinala ni Almario, pinapalitan ng E ang I sa isang salita upang magpahayag ng emosyon. Gaya ng “hanip” na insekto ay naging papuri sa “Hanep!” Maaaring gayon umano ang naging umpisa ng “bimbang” kaya naging “bembang.” Bukod pa sa posibleng iniisip ng mga kabataan ngayon na magkaparehong may “pisikalan” ang dalawang kahulungan ng salita pero magkaiba nga lang ang paraan.
(Photo courtesy: Virgilio Almario/FB; at screengrab from Power Talks with Pia Arcangel )
Gaya ng “bimbang,” may ibang kahulugan na rin ngayon ang ilang Gen Z’s at Millenials sa salitang “awit,” na katumbas ng “kanta.” Ngunit ngayon, pinaikli na ito ng “aw, sakit,” na nagpapahiwatig ng pagkadismaya o pagkasawi.
“Ang alam ko riyan, ‘pag inawitan ka, ibig sabihin may hinihingi sa 'yo. ‘Inaawitan ka ni boss.’ ‘Nang-aawit 'yung pulis,’ [ibig sabihin] mahina ang lagay,” paliwanag ni Almario sa unang pagkakaalam niya sa kahulugan ng "awit" na ang ibig sabihin ay may nais o gustong hingin.
“'Yung mga ganiyan, hindi ko kursonada ‘yan. Napaka-traditional siguro ng isip ko, pero nakakalito 'yung mga ganiyan. Hindi magandang gamit sa wika 'yung ginagawa nila na ‘yan,” sabi niya.
Mungkahi ni Almario, maaaring gamitin ang salitang “aw-kit” sa halip na “awit.”
“Ba't ‘di pa nila sabihin, ‘Aw sakit,’ o ‘di kaya ‘aw-kit’? At least hindi ‘awit,’ hindi nakakabuo ng ibang salita,” sabi niya. "Ibang salita ang nangyayari. Para hindi ka ma-misunderstood. ‘Pag nagtanong, ‘Ano 'yung ibig sabihin diyan?’ Ayun, saka mo ipapaliwanag. Pero kung ‘awit,’ wala. Baka nga ang meaning pa ‘yung kamukha ng sinasabi ko na may hinihingi.”
Samantala, wala nakikitang problema si Almario sa “anyari” o “anyare,” na nagmula sa “Ano ang nangyari?” at siya rin mismo ay ginagamit ito.
“Matagal na ‘yun eh. Ako minsan kapag nanloloko, ginagawa ko rin ‘yon, ‘Anyare?’ Pero okay lang. Maliwanag ‘yun eh, tsaka hindi ka nagbabago ng kahulugan. Shino-short mo lang,” paliwanag niya.
Paglilinaw naman ni Almario, hindi lahat ng kabataan ngayon ay sumasabay sa uso. May mga kakilala umano siyang Millennials na hindi rin sang-ayon sa pagbibigay ng bagong kahulugan sa salita.
Ayon kay Almario, nakaranas din siya sa pakikipag-ugnayan sa mga tao sa social media na ginagamitan siya ng mga salita o lenggwahe na hindi niya maintindihan.
“Hindi lang miscommunication iyon, kundi talagang nagsasadya sila na lokohin ka through language nila. May mali sa intensiyong ganu’n. Hindi maganda. Ano ang magiging kahulugan nu'n? Pagtatawanan lang nila ‘yung hindi makaintindi,” saad niya.
Gayunman, naniniwala si Almario na “fad” lamang ang mga ganitong mga salita na mawawala rin dahil sa tinatawag niyang pagiging “exclusive.”
“‘Exclusive’ hindi inclusive. Ang language ay dapat maging inclusive,” sabi ni Almario.
Sa isa niyang post sa Facebook, inihayag ni Almario na maaaring hindi masamain ng linggwistasero ang pagbibigay ng bagong kahulugan sa sarili at idepensa na may kalayaan ang mga mamamayan na hubugin ang wika ng bayan alinsunod sa kanilang kagustuhan at pangangailangan.
Pero tanong niya, hanggang saan ang kalayàan at wala ba itong limitasyon o hanggahan?
“Kung minsan, naiisip ko na ang ganitong pangyayari ay nagpapalubha sa generation gap. Kung ang bawat henerasyon ay magpipilit umimbento ng sarili nilang wika para ibukod ang kanilang sarili sa kanilang magulang, hindi ba’t nagiging hadlang ito sa matalik na komunikasyon at pagkakaintindihan ng dalawang magkasunod na salinlahi? Ng mga anak at mga magulang,” saad niya.
“Itataas ko pa: Hindi ba’t naibubunsod ng ganitong kalayàan ang higit na miskomunikasyon at siyáng sanhi ng maraming away at alitan sa mundo ngayon?,” dagdag pa niya. – FRJ GMA Integrated News


