Pagdating sa iba’t ibang wika sa Pilipinas, may mga salita na iisa ang baybay o ispeling, ngunit magkakaiba ng bigkas o kahulugan. Depende sa lugar kung saan ito ginagamit, maaari itong magdulot kung minsan ng miskomunikasyon o hindi pagkakaintindihan. Gaya ng “langgam” na minsan ay insekto, minsan naman ay ibon.
Nagsisilbi itong paalala na dapat maging pamilyar at magkaroon ng pag-aaral ang mga Pilipino sa iba’t ibang wika, at mag-ingat sa paggamit nila ng mga salita.
Sa eksklusibong panayam ng GMA News Online, ipinaliwanag ni Virgilio Almario, National Artist for Literature, na maging sa buong mundo ay nagkakaroon din ng pagkakapareho ng mga baybay ng salita, ngunit iba ang kahulugan.
USAPANG WIKA #1: Bimbang na naging Bembang: Pagbibigay ng ibang kahulugan sa mga salita, hadlang sa maayos na komunikasyon?
“‘Yun ay bunga ng pagkakaiba-iba ng matagal na hindi nagkikita ang mga nasyon. Nangyayari talaga 'yun sa buong daigdig. Halimbawa ang Spanish, French, Portuguese, magkakamag-anak ‘yan. Pero merong mga salita sila na kahit isa ang pinagmulan, nag-iiba-iba ng hitsura at anyo, sang-ayon sa kanilang bokabularyo, sang-ayon sa kanilang speaking organs,” paliwanag ni Almario.
“Ganoon din ang nangyayari sa ating regional. Maraming variations. Hindi maiiwasan iyon sa language,” pagpapatuloy niya.
Ilan sa mga halimbawa nito ang salitang “langgam.” Sa Tagalog, ang langgám na maliit na kulisap, may sungot, at walang pakpak.” Ngunit kung sa Sebwano, ang “lánggam” ay nangangahulugang ibon o hayop na mabalahibo, may tuka at may dalawang pakpak.
Habang ang itlog sa Tagalog, mapagkakamalang "ibon" sa Kapampangan dahil sa bigkas na "ebun" ang itlog. Ang langgam sa Kapampangan na "panas," ay pagod o gutom naman ang kahulugan sa Tagalog.
Iba rin ang kahulugan ng “buto” sa mga lengguwahe sa bansa. Ang “butó” sa Tagalog ay tumutukoy sa estruktura na bumubuo sa kalansay ng isang vertebrate. Ngunit sa Sebwano, Hiligaynon, Ilokano at Kapampangan, ang “butò” ay tumutukoy sa maselang bahagi ng isang lalaki.
Inalala ni Almario ang isa niyang karanasan sa Cebu kung saan nagbanggit siya ng isang salitang Tagalog, na iba ang pakahulugan sa Sebwano.
“Sabi ko, ‘Ano ang lagáy (Tagalog: kalagáyan, katayúan) mo?’ ‘Yun pala, ‘bayág’ (Sebwano: súpot sa itlog at ilalim ng uten ng tao at iba pang mammal) ang ibig sabihin noon sa kanila. Hindi ‘Kumusta ka?’ kundi, ‘Ano ang lagay ng bayág mo?” kuwento niya.
Isa pang halimbawa ang mga salitang “libog” at “laswa,” na iba ang pakahulugan sa Hiligaynon.
“Sa Hiligaynon, ‘libóg’ ay nalilitó. Dito (sa Tagalog) kaya ka nalito, sumobra ang pagnanasa mo,” paliwanag ni Almario.
“‘Laswa.’ ‘Laswá’ sa Hiligaynon ay pagkain. Dito, ang ‘laswâ’ ay ‘malaswâ’ (pagnanasàng seksuwal),” dagdag pa niya.
Ilan pa sa mga salita na may iba’t ibang kahulugan ang “húbog,” na tumutukoy sa isang anyo o pigura sa Tagalog. Ngunit pagdating sa Hiligaynon, Sebwano at Waray, ang “hubóg” nangangahulugang “lasing” o labis na nakainom ng alak.
Sa Tagalog, ang “paghílom” ay tumutukoy sa paggaling ng sugat, ngunit kapag sinabing “paghílom” sa Sebwano, nangangahulugan itong “tumahimik ka!” Kung sa Bikol at Waray naman, nangangahulugan itong “sikreto.”
Maraming kahulugan din ang salitang “bahaw.” Pagdating sa mga Tagalog, Sebwano at Waray, ang “báhaw” ay tumutukoy sa “kaning lamig.” Ngunit pagdating sa mga Bikolano, ang baháw naman ay tumutukoy sa kuwago.
Maging ang “daga” ay iba rin ang pakahulugan sa iba’t ibang wika. Kung sa Tagalog, ito ay tumutukoy sa mapagngatngat na hayop na kaaway ng pusa. Ngunit pagdating sa Ilokano, “dagá” ang pagbigkas dito at “dagà” naman sa Ilokano, na parehong tumutukoy sa lupa.
“Ganoon naman talaga. Na ‘yung isa, ganito ang magiging meaning. Sa isang language, ganito ang meaning. Sa ibang language, iba ang meaning, maraming ganu’n,” paliwanag ni Almario.
“Nangyayari 'yon sa languages, kaya hindi kasalanan natin iyon. Matagal na panahon nabuo ‘yun. O kaya narinig nila, nakita nila na iba 'yung kilos. Akala nila, iyon ang meaning. So nagiging ganoon ang salita,” paliwanag niya.
Ayon kay Almario, may mga pagkakataon ding nagkamali ang pakinig ng mga Pinoy sa mga Espanyol.
“‘Yung Spanish na ‘pared,’ naging ‘padér’ sa atin. ‘Yung ‘manco’ naging ‘komang.’ Mga bunga na ‘yan ng hindi maayos na pakinig ng ating mga ninuno. Hindi marunong mag-Spanish. Narinig lang, siguro ‘komang’ ang narinig,” sabi pa niya.
Tinalakay din ni Almario ang paggamit ng L-A-Y-A sa iba't ibang wika.
“Iba-iba ang meaning niyan. ‘Layá’ sa Ilokano ay ‘lúya.’ ‘Láya’ naman sa Bisaya ay lambat. Ang ‘laya’ ay dito lang naimbento ng mga Tagalog ‘yun. Wala namang ‘laya’ noong araw,” ayon sa National Artist for Literature.
Paliwanag ni Almario, “timawà,” “timagwá” o “maharlika” ang mga salitang ginagamit sa Lumang Tagalog para sa isang taong “freeman”, at hindi salitang “malaya.”
Mayroon ding salitang “layâ,” na ang ibig sabihin naman ay “wild,” ayon kay Almario. Sa Diksyunaryo Pilipino, ito ay “labis na malayaw at walang pakialam sa maaaring maganap sa sarili.”
“Mga taong layâ, ibig sabihin, walang discipline,” ani Almario. “Parang hayop ka na wala kang tahanan. Wala kang sariling kainan. Kung saan-saan ka lang pumupunta.”
Para kay Almario, dapat magkaroon ang isang Pilipino ng pamilyaridad tungkol sa iba’t ibang wika sa bansa.
“Lalo na ‘yung mga kalokohan. Ganoon naman ang ginagawa sa mga tourist, binibigyan ng leksiyon tungkol sa language. ‘How do you do?’ ‘Kumusta ka?’ Tapos ‘yung sex, at kung paano ka mumurahin. Tinuturo sa'yo ‘yun. Kailangan matutunan mo iyon. Minumura ka na pala, nakangiti ka pa,” sabi ni Almario.
Ang pagiging pamilyar sa iba’t ibang wika ay nagpapakita rin ng respeto sa kapwa Pilipino.
“Maingat na maingat. Lalo na kapag pumupunta ka sa regions na hindi mo alam ang kanilang linguistic eccentricities. Kailangan mag-ingat ka ng pagsasalita. Kung maaari mag-aral ka ng salita nila para mas maging angkop ‘yung kilos mo, ‘pag salita mo sa kanila. Kasama dapat sa pinag-aaralan mo 'yun bilang paggalang sa kapwa mo Pilipino,” ani Almario. – FRJ GMA Integrated News

