Patok ang isang kainan sa San Miguel Bulacan dahil sa “malu-pwet!” nitong mga putaheng iniaalok na ang pangunahing sangkap-- puwet ng manok. Bakit kaya naisipan ng may-ari ng restaurant na magluto ng iba’t ibang putahe ng puwet ng manok? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” itinampok ang kainan na “Olivia's Bilao And Binalot Foods,” na pagmamay-ari ni Olivia Buencamino.

Kuwento ni Buencamino, 10 taon na ang kanilang negosyo na nag-iihaw ng manok at madalas ipinamimigay nila ang mga leeg ng manok sa kanilang mga kapitbahay.

Pero noong nakaraang taon, naisip niyang hanapan ng ibang luto ang leeg ng manok para pakinabang. Dito na niya nilikha ang adobong leeg ng manok, at adobong isaw ng manok.

Kasunod nito, naisip na rin niyang isunod ang pagtitinda ng puwet ng manok na paborito ng mga bumibili litsong manok.

“‘Pag bumili ka ng litsong manok, isang puwet lang ang nandoon. So pinag-aagawan pa siya. Hanap ako ngayon ng source ng puwet lalo na kasi napakahirap niyang hanapin. So nilabas ko po ngayon si adobong puwet ng manok,” ani Buencamino.

Dahil may restaurant na siya, ginamit ni Buencamino ang mga recipe ng iba't iba niyang putahe sa pagluluto ng kaniyang puwet-malu dishes, gaya ng barbecue puwet, chicken puwet sisig, kalderetang puwet, at fried puwet-malu.

Ipinaliwanag ni Buencamino kung bakit espesyal ang puwet ng manok.

“Iyon nga po ang nagulat ako nu’ng naglabas ako niyan, akala ko puro lalaki lang ang bibili. Na-amazed ako kasi ultimo bata po ngayon… ‘yung anak ko, millennial. Para siyang meat na matigas. Actually, hindi siya parang fat. Makunat-kunat. Tapos meron siyang buto sa gitna,” kuwento niya.

Pumasa kaya sa panlasa ni Drew ang malu-puwet na dishes gaya ng best seller na kalderetang puwet? Panoorin ang buong kuwento sa video. – FRJ GMA Integrated News