May kakaibang lutuin ang mga residente sa Calatagan, Batangas na kung tawagin ay “tumbong-dagat” na hitik sa nutrisyon. Anong uri nga ba ito ng yamang-dagat at papaano ito "hulihin" at lutuin? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” sinabing isang uri ng sea anemone ang tumbong-dagat, na tinatawag ding “Kibot” at “Lobot-Lobot.” Sila ang nagsisilbing tirahan o taguan ng mga isda.
Ang residente na si Alvin Aguilar, matagal nang nangunguha ng tumbong-dagat na natutunan niya sa kaniyang ama.
“Bale elementary pa ako noon. Nagturo po sa akin ‘yung aking tatay na kumuha ng tumbong-dagat. Nu’ng pinatikman niya sa amin noong una, komo kami ay bata, hindi pa naman agad namin nagustuhan. Pero nu’ng natikman na namin at palagi rin namin nakakain ay naging masarap na rin po sa aming panlasa. At totoo naman po na talagang masarap po ang tumbong dagat,” sabi ni Alvin.
Maliban sa lasa nito, panalo rin ang dalang nutrisyon ng tumbong dagat.
“Ang maganda po sa kaniya ay meron po siyang dagdag na collagen na maaari nating makuha. So si collagen po, nakakatulong po ‘yun para sa pagganda ng balat at saka ng bahagya po sa ating immune system,” sabi ng nutritionist na si Loise Anne Manansala, RND.
Sa pagkuha ng tumbong-dagat, kailangang ito salukin gamit ang dalawang palad dahil lumulubog ang mga ito sa buhangin.
Ayon sa mga host na sina Empoy Marquez, at guest co-host na si Mariel Pamintuan, ang lasa nito kapag niluto ay maihahalintulad umano alimango, tahong, o tulya, o aligi, at may pagka-maganit o makunat kapag nginuya.
Tunghayan sa video ng “I Juander” ang pagluto ng adobong tumbong-dagat. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
