Naging binuwenas umano sa trabaho at negosyo ang ilang bumili ng isang pampasuwerte online na isang Roman goddess na may piring sa mata na Buena Fortuna kung tawagin. Ngunit ang sinasabi namang kapalit nito ay ang sunod-sunod na kamalasan sa buhay?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing anim na pulgada ang taas ng Buena Fortuna, kulay ginto, at may piring sa mata na simbolo na hindi nito pinipili ang bibigyan ng suwerte.

Si Leanne Berber, taga-Sultan Kudarat at may-ari ng bigasan, nakabili ng Buena Fortuna online sa halagang P258.

Ipinuwesto niya ito sa kanilang tindahan, nakaharap sa mga kostumer at iniinsensuhan para sa cleansing.

Mula P50,000 hanggang P80,000, umaabot na ngayon ng P250,000 ang kaniyang kita kada linggo.

Ang content creator naman na si Cindy Alcantara mula sa Cagayan Valley, pinadalhan ng Buena Fortuna ng isang supplier nang libre. Idinisplay niya sa kuwarto nila ng mister na si Jonas ang pigurin.

At upang gumana ang suwerte umano, binibigkas ni Alcantara nang tatlong beses ang pangalan ni Buena Fortuna.

Mula nang ihayag ang kaniyang mga hiling sa Buena Fortuna, magkakasunod umano ang pag-contact sa kaniya ng mga brand at sponsor para makipag-collab.

“Sa isang linggo, nakakatatlong paid collaboration po ako. Dumagdag pa po diyan 'yung commission ko,” sabi ni Cindy.

Ngunit ang suwerteng inihatid sa kaniya ng Buena Fortuna, tila may kapalit ding bawi.

“In terms po sa relationship namin ng asawa ko, lagi po kaming nagkakainitan,” ani Cindy.

“Pagka nag-aaway kami, hindi gaya ng dati na parang nagkakapatawaran din agad. Parang wala lang, kung mag-aaway, e ‘di mag-aaway,” sabi ni Jonas Alcantara, asawa ni Cindy.
“Sinisisi niya 'yung Buena Fortuna sa mga nangyayaring kababalaghan,” dagdag ni Cindy.

Ang part-time real estate agent na si Justine Faith Samson mula Laguna, nakapagbenta ng pasalo na house and lot na “instant money” sa halagang P80,000 hanggang P100,000 dahil sa Buena Fortuna.

Pero ang sunod-sunod na suwerte, sinundan naman umano ng magkakasunod ding kamalasan.

“Nagkasakit na 'yung mga anak ko. Ang bill is P100,000. Parang binawi lang din talaga 'yung kinita ko,” kuwento ni Justine.

Ang travel counselor na si Menchie Malibas mula Bataan, bumili ng Buena Fortuna dahil may kailangan siyang bayaran, at dumating din ito.

Dahil dito, naengganyo ring bumili ng sariling Buena Fortuna kaniyang inang si Lucita Bitamor, na may hiling na makahanap ng buyer sa ibinibenta niyang bahay.

“‘Yun na lang ang pag-asa ko para matustos ang gamutan ko. Ang dami kong sakit. ‘Tuparin naman ang hinihiling ko,’ sabi ko,” sabi ni Lucita.

Ngunit ang Buena Fortuna, tila wala namang epekto kahit maraming tumitingin sa kaniyang bahay pero walang nangyari.

Magmula rin noong i-display nila sa kanilang bahay ang Buena Fortuna, tila may naramdamang kakaiba ang mag-ina.

“Pakiramdam ko may kasama ako sa bahay. May nakatingin sa akin,” sabi ni Lucita, na hindi rin makatulog magdamag o 24 oras gising.

At kung makaidlip man, madalas umanong bangungutin si Lucita, na nakakakita ng isang anino at hindi makagalaw. Hindi rin nawawala ang sakit niya sa tiyan.

“'Yung pinsan ko, one time, nagkukuwentuhan kami dito sa working station ko. Suddenly sabi niya, may batang sumilip sa window ko. ‘Sinong sisilip diyan?’ May gate kami,” ani Menchie.

“After a month, sunod-sunod na 'yung bad things na nangyari sa akin. Ang ganda nu’ng corporate na pinapasukan ko. Stable talaga siya. But suddenly, after a week, nag-close,” dagdag ni Menchie.

Labas-masok din ang kaniyang anak sa ospital, na kagaya ng lola nito na masakit ang tiyan.

Dahil dito, nagdesisyon si Menchie na itapon sa basurahan ang kanilang Buena Fortuna. Pero si Lucita, sinabihan ang anak na dalhin ito sa simbahan.

“Alam niyo 'yung bigat ng feeling. Parang may nag-i-stop sa akin?’” sabi ni Menchie noong papasok na sa simbahan dala-dala ang Buena Fortuna.

Totoo kayang nagdadala ng suwerte na may kapalit na malas ang Buena Fortuna.

“'Yung pagsagot ng suwerte o malas, depende sa tao. Maaari ang isang tao, 'yung isang bagay, katulad ng Buena Fortuna, nakikita niya na may kinalaman sa espirituwalidad. Titignan niya itong positibo. Puwedeng nagbibigay sa kaniya ng pag-asa, suwerte siya. ‘Pag naranasan niya naman, pangit nangyayari sa buhay niya, iisipin niya may kinalaman 'yung bagay na iyon. Sa akin palagay, ito ay bahagi ng konsumerismo,” sabi ni Ma. Lorella Arabit-Zapatos, professor ng Social Sciences and Philippine Studies.

“‘Yung paniniwala sa mga ganito, ay repleksiyon ng malalim na kultura natin. Ang kasabihang, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. May pag-asa, pero kailangan kumikilos ka din, gumagawa ka din,” dagdag ni Arabit-Zapatos.

“Tandaan natin, 'yan ang talagang idolatry. Kasi, ba't idolatry? Hindi 'yung tunay ng Diyos eh. Tandaan din natin, ito ay bahagi ng, kung tawagin, ay animism, espiritu,” paliwanag naman ni Father Francis Lucas, President at CEO ng Catholic Media Network.—FRJ GMA Integrated News