Pinatunayan ng isang security guard na “kapag may tiyaga, may nilaga.” Matapos kasi ang mahigit isang dekada niyang pagsisikap at pag-aaral, natupad ang pangarap niyang maging bank teller sa binabantayan niyang bangko sa Dipolog, Zamboanga del Norte.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Ricardo “Jun” Laingo Jr., na security guard noon sa isang bangko.

“Nakikita ko kasi 'yung mga teller, parang magaan, parang ang saya. Ang sabi ko, pangarap ko sana ang maging teller,” sabi ni Jun.

Edad 21 siya noon nang unang pasukin ang pagiging isang sekyu sa Dipolog. Hindi kaila na mahirap ang kaniyang trabaho dahil walong oras na nakatayo si Jun para magbantay.

Kasama pa ang peligro sa kaniyang trabaho.

“Maraming mga holdaper kasi ng bangko e, prone talaga sa mga holdap,” sabi ni Jun.

Hanggang sa noong 2018, nagbukas ang oportunidad kay Jun nang mag-alok ang bangko na pinagtatrabahuhan niya ng scholarship para sa mga katulad niyang sekyu na gustong mag-aral.

Hindi na inaksaya ni Jun ang ang pagkakataon at pinagsabay ang pag-aaral ng computer science at ang pagiging security guard sa edad na 27.

“Sa kontrata namin, kailangan nag-aaral ka at nagse-security guard pa rin. Mahirap talaga pagsabayin ang pag-aaral at saka trabaho,” sabi ni Jun.

Hindi niya itinangging nakaramdam din siya ng panliliit sa sarili.

“‘Pag may weekdays ako ng night class, diyan ako na nahihirapan. Minsan nale-late ako, buti na lang mabait 'yung instructor ko,” sabi niya.

Makaraan ang limang taon, nagtapos na si Jun sa pag-aaral sa edad na 32.

Sa kabila nito, hindi niya agad nakuha ang pangarap na trabaho, dahil nakapasok muna siya bilang isang motorcycle dealer ng dalawang taon.

Habang nagtatrabaho bilang isang motorcycle dealer, muling nakatanggap ng magandang balita si Jun nang malaman niyang may hiring na lalaking teller sa Dipolog branch ng bangko.

Kaya makaraan ang 12 taong pagtatrabaho sa bangko bilang isang security guard, opisyal nang naging bank teller si Jun.

Pagkauwi galing sa trabaho, isa ring butihing asawa at ama si Jun.

“Support lang po ako, ma'am. Noon, sabi niya na gusto niya mag-aral, makatapos, para sa amin. At nga ngayon, natupad na po, sobrang blessed po na napagtagumpayan po niya na maka-graduate po at makapasok bilang banker po,” sabi ni Anna Matabalan, asawa ni Jun.

“Maging honest ka kasi kapag honest ka, maraming talagang tutulong sa'yo. Kailangan mo rin maging humble. Kailangan magpakatotoo,” sabi ni Jun tungkol sa aral niya sa buhay. – FRJ GMA Integrated News