Pinakansela ng Department of Transportation (DOTr) ang lisensiya ng isang driver ng kotse na humabol at binundol ang isang motorsiklo na estudyante ang nagmamaneho sa Teresa, Rizal. Maiututuring bang attempted murder ang ginawa ng driver? Alamin.

Sa Ask Atty. Gaby sa Unang Hirit nitong Biyernes, ito ang tanong na binigyang-linaw ni Atty. Gaby Concepcion.

“Well, sa palagay ko, posible talaga. Sa mga kasong ganito, ang unang-una na kailangan ang mental state na nagpapakitang may intent to kill o intensyong pumatay nga ba,” sabi ng abogada.

Ngunit dahil hindi literal na mababasa o makikita ang nilalaman ng utak ng isang tao, kailangan itong makita sa kaniyang mga ginawa kung mayroon siyang intensyong pumatay.

“At dahil gamit niya ay isang kotse, maaaring sabihin na kitang kita na hinabol, itinutok at inasinta talaga ang batang nakamotor. Nagkaroon nga na isang car chase bago tuloy ang binundol. Hindi natin masasabi na ito ay pawang pagpapabaya lamang,” ani Atty. Gaby.

Dagdag dito, ang isang kotse ay tinatawag na isang “killing machine” dahil sa laki, bigat at bilis nito na may potensiyal na makapatay lalo kung tao ang tatamaan.

Posible ring masabi na may motibo na pumatay umano ang driver, na hinabol ang motorsiklo na una raw nakasagi sa kaniyang kotse pero hindi huminto ang rider.

“Isang halimbawa ng road rage ang biglang silakbo ng init ng ulo na nagmula sa simpleng pagsagi ng kotse na hindi hinintuan ng kawawang bata,” sabi niya.

Kahit na igiit ng driver na wala talagang intensyong pumatay at gusto lamang niyang pahintuin ang bata para panagutan ang pinsala nito sa kaniyang kotse, pero ayon kay Atty. Gaby, “mali pa rin ang mga nangyari.”

Kahit na sabihin umano ng driver na wala siyang intensyon na patayin ang bata, ngunit [kug] namatay ito [na mabuting hindi nangyari dahil tumilapon ang biktima at nakaiwas sa kotse], ayon kay Atty. Gaby, magiging liable o may paanagutan ang driver sa posibleng kasong homicide.

“Dahil kung may ginagawa tayong hindi naaayon sa batas, pananagutan pa rin natin ang mga natural na mga consequence ng ating maling ginagawa,” sabi niya.

Nilinaw ni Atty. Gaby na hindi nangangahulugang walang kasalanan ang menor de edad na nakasagi ng sasakyan. Ngunit dahil lamang sa gasgas, inilagay ng driver sa posibleng kapahamakan ang buhay ng bata.

Dahil dito, mas malaki ang gastos ng driver para bayaran ang pagpapagamot, pagpapagawa sa motor ng bata, na bukod pa sa posibleng moral, exemplary at iba pang damages na maaaring ipataw dahil sa pagbundol niya rito.

“Huwag pairalin ang init ng ulo. Sang-ayon ako na dapat talagang magkaroon ng perpetual disqualification ang lisensya ng ganiyang mga driver. Menace at danger talaga sila sa ating mga lansangan,” sabi ni Atty. Gaby. – FRJ GMA Integrated News