Matapos maitampok sa “Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kalunos-lunos na kalagayan ng 17-anyos na si “Aurora” na may kondisyon sa pag-iisip noong Abril, bumuhos ang tulong sa kaniya para maipagamot. Ang kalagayan niya ngayon, alamin, maging ang tunay niyang pangalan.
Maraming manonood ang naantig ang damdamin sa kalagayan ni Aurora, mula sa Palawan, nang itampok ang kaniyang kuwento sa KMJS. Buto’t balat na ang kaniyang katawan, at nakatali ang kaniyang mga kamay at paa sa loob ng kanilang bahay.
Kinailangan ng kaniyang pamilya na itali ang kaniyang mga kamay dahil kinakain niya ang ano mang mahawakan niya—maging tela o kahoy.
Ang nakababatang kapatid na si Ethan ang nagpapakain at nagpapaligo sa kaniyang ate na si Aurora.
Nang ilapit sa KMJS ang kaso ni Aurora, nadala siya sa pagamutan at doon natuklasan na nakararanas ang dalagita ng tatlong mental health conditions.
Kabilang dito ang neurodevelopmental disorder, o hindi tugma sa kaniyang edad ang kaniyang pag-iisip. Mayroon din siyang disorganized behavior at disorganized speech, na nasa schizophrenia spectrum disorder.
Ayon sa Psychiatrist, may eating disorder din na kung tawagin ay "pica" si Aurora, kaya hilig niyang kainin ang ano mang bagay na mahawakan niya.
Matapos ang ilang buwan na gamutan dahil na rin sa dumating na mga tulong sa kanila, bumuti na ang kalagayan ni Aurora. Hindi na siya itinatali, hindi na kinakain ang mga bagay hindi naman pagkain, at bumigat na rin ang kaniyang timbang.
"Laking pasalamat ko po sa 'KMJS.' Sa lahat-lahat po Ma'am na sumusuporta sa amin at nagbibigay po," ani Marialyn, ina ni Aurora, na pumayag na ipakita na ang mukha ng kaniyang anak, at ipaalam ang tunay nitong pangalan—si Helen.
"Tuwing lumalakad po ako na katulad po pupunta ng tindahan o mamalengke, nakakasama ko na po siya, Ma'am, at nakikita ko po masaya po 'yung anak ko," ani Marialyn.
"Hindi na po siya nakatali. Kahit saan po kami pumunta kasama po namin, tapos nakikita ko yung bonding namin pamilya samantalang hindi namin 'yon dati nagagawa," emosyonal pa niyang sabi.
Kung dati ay si Ethan ang nag-aalaga kay Helen, ngayon, kahit papaano ay inaalagaan na ni Helen si Ethan nang maaksidente ang huli at mabali ang isang braso.
"Hindi po gaya dati na iniigiban ko pa po siya. Parang bumaliktad na nga po 'yung mundo," ani Ethan. "Dati ako po 'yung nag-iigib sa kaniya para makaligo. Ngayon po, siya po nag-iigib sa akin para makaligo."
Kumakain na ring mag-isa si Helen at hindi na kailangang subuan ni Ethan. Kahit papaano, tinuturuan na rin ni Ethan si Helen sa pagbasa.
"'Hindi pa po siya nakakapag-aral kahit kinder po," ani Ethan. "Hindi niya pa po alam kung paano magsulat, paano magbasa, kung ano mga pangalan ng mga hugis, mga kulay, mga ganun po."
"Gusto ko po makapag-aral po siya saan po siya. Kahit papano, hindi naman huli ang lahat pagdating sa pag-aaral," dagdag ni Ethan.
Tila matutupad naman ang hiling ni Ethan para kay Helen dahil ipapasok siya Special Education program ng ASMES Andres Soriano Memorial Elementary School.
"Ginagarantiya namin na si Helen Joy ay ganap nang estudyante ng ASMES," saad ni Principal Concepcion Verdin.
"Habang siya po ay nag-aaral na dito sa aming paaralan, ay ire-recommend po namin siya na magkaroon ng assessment ng ating mga medical specialist para po sa mas maayos na intervention o ano pang recommendation ng ating medical specialists para po mapabilis ang pagkatuto ni Helen Joy dito sa aming paaralan," dagdag ni Verdin.
Napaluha si Marialyn sa magandang balita para kay Helen, "Nagulat po ako, hindi ko po akalain na makakapag-aral na ang anak ko."
"Pangalawang buhay po ngayon ng anak ko. Kaya hindi ko po ma'am sasayangin 'yun. Gagawin po namin ang lahat ma'am hanggang sa maging mabuti po siya ma'am," saad niya.
Tunghayan sa video ng KMJS ang buong kuwento ni Helen. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
