Sa murang halaga, makabibili ang mga pizza lover ng mga pizza na ginamitan ng mga natural na sangkap at niluluto sa pugon na nakalagay sa isang food truck sa gilid ng Quirino Highway sa Quezon City.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang “Pugon Pizza ng Pilipino,” na pagmamay-ari ni Jose Ponciano “Jopons” Velasco.
Pagsapit ng 2 p.m. inihahanda na ng mga tauhan ni Jopons ang mga gagamitin nila sa pagtitinda. Saka sila pupuwesto sa isang palengke sa Quirino Highway sa Novaliches.
Tila transformer ang kanilang truck na inaayusan at kinakabitan ng mga gamit hanggang sa ma-set up. Mapapansin ang built-in wood-fired oven o pugon na nakakabit mismo sa food truck.
“Itong business na ito, nag-start lang actually as a hobby. Ang talagang hilig ko ay gumagawa ako ng mga stove, umangat sa rocket stove. Tapos ito, nag-umpisa ako sa maliit na pugon,” kuwento ni Jopons.
Kalaunan, sinubukan ni Jopons na magluto ng pizza na natutunan niya sa kaniyang pinsan na nasa ibang bansa.
“Pandemic noon, ‘di ka makalabas. Gumawa ako ng pizza. Nagustuhan naman ng mga kaibigan ko, ng family. ‘Yun 'yung nag-inspire sa akin na magtayo ng business na ito,” ani Jopons.
Sa umpisa, mayroon na silang puwesto, ngunit hindi gaanong dinagsa ng mga tao dahil medyo tago ang lugar. Dahil dito, naisipan niyang ilagay sa wheels ang kaniyang pugon para mas mailapit ang kanilang produkto sa mga tao.
“It was a challenge to me mentally. Dahil mahilig din ako magkakalikot. Una, ginawa ko siya sa trailer. Tapos ngayon, nakalagay na siya sa maliit na sasakyan,” kuwento ni Jopons.
Kalaunan, pinayagan sina Jopons ng barangay na ipuwesto ang kanilang food truck sa gilid ng palengke na katabi ng highway na maraming dumadaang tao.
Ang mga bumibili, naaliw dahil ginagawa sa kanilang harapan ang pizza at iluluto sa pugon. Mabilis din namang maluto ang pizza na tumatagal lang ng tatlo hanggang limang minuto.
Ipinagmamalaki rin ni Jopons na mga fresh at organic ang mga sangkap nila kaya tila authentic Italian pizza talaga ang kanilang mga produkto.
“I'm familiar kasi with 'yung mga sakit na fatty liver. 'yung wife ko is nag-kidney transplant. So parang we were avoiding 'yung mga hindi natural na ingredients,” ani Jopons.
Gumagamit sila ng olive oil at gawa sa San Marzano tomatoes ang kanilang tomato sauce. Fermented ang kanilang dough at hindi sila gumagamit ng mga pampasarap na spices. Fresh din ang kanilang mga Basil at Oregano.
Mabibili ang pizza nina Jopons na mayroong 8 flavors mula P200 hanggang P400. Bestseller daw nila ang ham and cheese.
“‘Yung mga flavor natin, para sa masa talaga. Gusto ko matikman din ng masa 'yung masarap na pizza sa mura na price,” sabi ni Jopons.
Dahil mobile at wala silang binabayarang renta ng puwesto, naibebenta rin nila ang mga pizza sa mas murang halaga. Ang mga kahoy na gamit nila sa pugon, galing daw sa mga natumbang puno matapos ang bagyo.
“Biga” o fermented dough mula sa wheat flour ang kanilang ginagamit na hinintay ng halos 24 oras, at nagbibigay ng flavor at hangin ng pizza.
Ang puhunan ni Jopons sa paggawa ng pugon, umabot ng P150,000. Sa kabuuan ng food truck, nasa P1 milyon ang nagastos niya, kasama na ang sasakyan at accessories.
Sa isang maulang araw, nakakabenta sila ng kulang-kulang 30 pirasong pizza. Sa malakas na araw naman, umaabot ito ng 110 hanggang 120 pizzas. Sa isang buwan, may malinis daw silang five digits na kita, at nabawi na raw ni Jopons ang puhunan niya sa food truck. – FRJ GMA Integrated News
