Kapag lumilindol, ano nga ba ang dapat gawin ng tao kapag inabutan sa loob ng bahay o establisimyento? Dapat bang manatili sa loob o dapat tumakbo na kaagad palabas? At kung nasa mataas na gusali, dapat bang tumakbo pababa o mas makabubuting umakyat pa? Alamin.

Sa “Unang Hirit” nitong Huwebes, sumalang sina Anjo Pertierra at guest host-mate na si Karylle sa isang earthquake simulator na nagpapakita ng lakas ng Intensity VII hanggang intensity VIII na lindol.

Sa ganitong lakas ng pagyanig, kaya nang magpatumba na ng mga gamit ang pagyanig. Sina Anjo at Karylle, halos hindi makatayo at nakaramdam umano ng pagkahilo.

“Dapat po habang nararamdaman natin ‘yung paggalaw o ‘yung ground shaking, dapat po ay mag-duck, cover and hold po muna tayo. Once na huminto, tsaka lamang po tayo dapat mag-evacuate [o lumabas],” paliwanag ni Melissa Mae Garcia, science research specialist sa PHIVOLCS.

Ngunit habang lumilikas at muling magkaroon ng pagyanig, sinabi ni Garcia na dapat mag-duck, cover and hold muli, at ipagpatuloy ang paglikas kapag tumigil muli ang paggalaw ng paligid.

Dagdag niya, tama lamang na kumapit sa matatag na bagay o dumapa muna kapag lumilindol.

Inilahad din ni Garcia ang dapat gawin kung inabutan ng lindol habang nasa mataas na bahagi ng isang gusali.

“Ang ina-advise po namin sa PHIVOLCS na dapat po tayo ay go down and go out. Importante po kasi na tayo po ay wala na du’n sa building, tayo po ay makapunta sa evacuation area kung saan mas mataas po ang chances na tayo po ay mag-survive, magbigyan ng mga tulong kung kinakailangan,” paliwanag niya.

“Kung halimbawa nasa 42nd floor ka, tapos nakaramdam ka ng shaking, duck, cover and hold, tapos tayo po ay mag-evacuate once na huminto [ang pagyanig]. Kung may aftershocks po, duck cover and hold po ulit, tsaka po tayo patuloy na lumabas,” dagdag niya.

Hindi rin pinapayo ng PHIVOLCS na umakyat ang mga tao sa pinakatuktok ng building dahil kung hindi man mag-collapse o gumuho ang gusali, maaari naman itong tumagilid.

“Ang importante talaga natin ay makapunta tayo sa open space kung saan tayo mas ligtas,” dagdag ni Garcia.

Samantala, hindi rin inirerekomenda ng PHIVOLCS ang teoryang “triangle of life,” dahil iisipin pa ng tao kung saan maaaring pumorma samantalang nagaganap na ang lindol.

Ang triangle of life ay ang trayanggolong espasyo o pagitan na sinasabing maaaring sumiksik ang tao upang hindi madaganan kung sakaling gumuho ang bahay o gusali.

“Sa triangle of life po kasi, hindi natin nakakonsidera na paano kung sa kabilang side pala tumumba ‘yung ating furniture o ‘yung gamit, hindi siya mag-form ng triangle? At dapat tandaan natin, during the earthquake, intense po ang shaking dito. So kung mag-form man siya ng triangle, gagalaw po ito, puwede siyang ma-dislodge, ma-topple ‘yung mga gamit. So baka mas maipit ka pa lalo,” patuloy niya.

Matatandaang pinuna ng PHIVOLCS ang ilang tao na tumakbo palabas ng mga gusali sa halip na mag-”duck, cover, and hold” muna noong mga nagdaang lindol.

Panoorin sa video ang buong talakayan at paliwanag ni Garcia. Alamin din ang mga lugar na dadaanan ng West Valley Fault line na maaaring magdulot ng “the one” sa Metro Manila. – FRJ GMA Integrated News