Maliban sa nakapagpapabango ng pagkain at nag-aalis ng lansa sa lutuin, may maganda ring hatid para sa kalusugan ang tanglad o lemongrass. Alamin kung anu-ano ang mga benepisyo nito sa ating katawan.

Sa nakaaraang episode ng “Pinoy MD,” ipinakilala si Nanay Antonia Cacho, na gumagamit ng tanglad bilang sangkap sa niluluto niyang ulam para sa pamilya.

Paniwala niya, nakapagpapagaling ito ng samu't saring sakit. At para makatipid, tinaniman nila ng tanglad ang kanilang bakuran.

Ginagawa niyang lemongrass tea ang mga dahon-dahon ng tanglad, na binibilog niya at saka pakukuluan sa tubig. Sinasamahan pa niya ito ng luya na may anti-inflammatory effect.

Ilan sa mga benepisyo ng lemongrass tea ang pagpapabuti ng panunaw. May taglay itong antiseptic compound na epektibong panlaban sa bacteria.

Epektibo rin ang tanglad para mabawasan ang bad cholesterol sa katawan. May vitamin C rin ito na nakapagpapalakas ng immune system, at nakapagpapaginhawa para sa may mga sipon at plema.

“Nagpapalabas ng mga ‘di natin kailangang mga sangkap sa katawan na nagpapataas ng blood pressure. So kung meron kang high blood, inumin mo ito regularly, lalong lalang sa umaga, napakaganda,” sabi ni Dr. Jaime Galvez-Tan, expert in integrated medicine.

Mainam namang ihalo sa langis ang katas mula sa ugat ng tanglad na epektibong pantanggal ng kirot na dala ng rayuma. Kapag ipinahid sa apektadong bahagi ng katawan, nakaka-soothe at nakare-relax ang mabangong amoy nito at pinakakalma rin ang muscles, lalo na sa spasms o sprains.

Maaari ding ipangmumog o i-spray ang tanglad na pinakuluan sa tubig sa bibig para bumango ang hininga, dahil pumapatay ito ng mikrobyo.

“Lahat kasi nitong mga halamang ito ay tinatawag natin may volatile oil. Siya ang pinaka-component nito. Ito talagang nakatatanggal ng mga bacteria sa bibig, masamang hininga,” ani Galvez-Tan.

Hinikayat ni Galvez-Tan ang Department of Agriculture na ipalaganap ang pagtatanim ng tanglad sa lahat ng lugar sa bansa. – FRJ GMA Integrated News