Kakaibang lamang-dagat na tinatawag na “wakwak” ang hinuhuli ng mga mangingisda sa ilalim ng dagat at nagtatago sa buhangin sa Araceli, Palawan.  Puwede itong iihaw na tila isaw at tiyak daw na masarap.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ng mangingisda na si Salvador Florendo Jr. o Jun, kung papaano manghuli ng “wakwak,” o mga mahahabang bulateng-dagat.

Para mahuli ang mga wakwak, sumisisid si Jun upang hanapin ang mga butas sa buhangin sa ilalim ng dagat kung saan sila naglulungga.

Tinutusok ni Jun ang mga butas gamit ang “tegbek,” saka huhukayin at hihilahin paitaas ang wakwak.

“Mahirap makuha ‘yung wakwak. ‘Yung paghinga mo ba, tinitiis mo sa ilalim ng dagat para makuha mo lang. Pagkuha namin sa dagat, hinihiwa namin, pinapalabas ‘yung buhangin. Kaya tinawag namin ‘yung wakwak,” sabi ni Jun.

Pagkahuli sa mga wakwak, naibibenta ito ni Jun sa halagang P350 kada kilo.

Puwede itong kainin nang hilaw o kinilaw, o kaya naman ay ihawin na “wakwak-cue,” na parang isaw ng baboy.

Samantala sa Lucena, Quezon naman, may putaheng abot langit ang sarap, pero ang pinakasangkap ay tinatawag na “pakpak ng demonyo,” o ang dahon ng Balinghoy o kamoteng-kahoy.

“Magkakaibang hugis po kasi ‘yun eh, parang pakpak. Naiilang talaga ako at sabi ko nga baka mamaya, sabihin ako ‘yung laging simba ng simba, tapos kung salitain ko naman ‘yun, tapos ‘yun pa tinitinda ko,” sabi ni Shiela Matibag, nagluluto ng “pakpak ng demonyo.”

Kailangan munang hugasan nang mabuti ang “pakpak ng demonyo,” pakukuluan, at saka pipigain para mawala ang pakla.

Pagkatapos ay lulutuin na may kasamang gata.

Sa Lavezares, Northern Samar naman, paboritong kainin ang “aswang lobster” dahil sa nakatatakot na hitsura nito.

Gaya ng mga aswang, gabi rin naglalabasan ang mga aswang lobster. Ngunit kung ang mga aswang ay takot sa bawang, masarap namang isawsaw sa butter garlic sauce ang aswang lobster. – FRJ GMA Integrated News