Habang papalapit ang kapaskuhan, paano nga ba masisiguro na ang handang pagkain at mga tira-tira ay hindi madaling masisira?

Narito ang ilang tips mula sa Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) upang maiwasan ang pagkasira ng pagkain:

  • Siguraduhing malinis ang iyong mga kamay at mga gamit sa pagluluto
  • Gumamit ng malinis na tubig at sariwang mga sangkap
  • Ihiwalay ang lutong pagkain sa mga hilaw na sangkap
  • Lutuing mabuti ang pagkain
  • Tiyaking nakaimbak ang pagkain sa ligtas at/o tamang temperatura

Samantala, pinayuhan din ng DOH ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na iwasan ang mga “masasamang gawi” tuwing holiday season.

Kabilang dito ang labis na pag-inom ng alak at mga hindi masustansyang pagkain. Pinapaalalahanan ang publiko na kumain sa tamang oras kahit na may mga pagtitipon.

Ayon sa DOH, magsisimula silang magmonitor ng “holiday health concerns” simula sa Martes, dahil inaasahan nila ang pagdami ng mga kaso ng atake sa puso, stroke, o hika, mga biktima ng aksidente sa kalsada, at mga pinsalang may kaugnayan sa paputok hanggang Enero 5, 2026. — Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News