Anim na magkakamag-anak ang nasawi matapos masunog ang kanilang bahay sa Urdaneta City, Pangasinan nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente dakong 2 a.m. sa Barangay Nancayasan.
Hinihinala ng mga awtoridad na sa kusina ng bahay nagsimula ang apoy at mabilis na kumalat ang apoy kaya nakulong ang mga biktima.
“’Yun nga hindi agad sila nakapag-evacuate… may reported tayo na anim na namatay doon, na magkakamag-anak,” sabi ni Senior Fire Officer 3 Nathaniel Aquino, deputy marshal ng Urdaneta City Fire Station.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang babae na parehong edad 11.
“Sobrang sakit sir, hindi namin po alam kung paano kami magsisimula ulit. Lima po sila sa pamilya ko. Hindi ko alam paano kami magsisimula ulit. Masakit, sobrang sakit,” malungkot na pahayag ni Riza Sarceda, kaanak ng mga biktima.
“Sobrang sakit sir kasi yung pagkapatay niya sobrang sakit sir. Hindi mo na makilala mukha niya at katawan. Sunog na sunog,” sabi naman ni Arnel Dela Peña
Tinatayang aabot sa P3 milyon ang pinsala ng sunog, habang patuloy na sinisiyasat ang pinagmulan ng sunog. – FRJ GMA News
