Labis ang pagkadismaya ng isang security guard na kakatapos lang hulugan ang kaniyang motorsiklo, matapos itong tangayin ng riding-in-tandem sa Barangay San Antonio, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pagdating ng riding-in-tandem hatinggabi sa R. Fernandez Street.
Ilang saglit pa, bumalik ang motorsiklo at tumigil sa tapat ng isang bahay, bago bumaba ang angkas at naglakad.
Sunod nang nakunan sa CCTV ang pag-atras niya sa isang nakaparadang motorsiklo at mabilis itong napaandar.
Tumigil pa sa kanto ang mga suspek at mistulang may inayos sa motorsiklo bago tuluyang tumakas.
Natuklasan ang pagnanakaw sa motorsiklo makalipas ang mahigit limang oras, nang gagamitin na ito ng isang security guard.
“Paglabas po niya kasi paalis na po siya bandang 5:30 a.m. po ay napansin niya na wala na po 'yung motor sa labas ng bahay sa may gate po sa kalsada. 'Yung susi naman po, hindi naman po naiwan sa motor ‘yun,” sabi ng asawa ng may-ari ng motorsiklo.
Nakipag-ugnayan ang biktima sa barangay upang i-review ang kuha ng CCTV.
Sinabi ng barangay na dayo lang sa lugar ang mga suspek.
“Sa galawan po ng mga involved na mga suspek, mga professional po talaga sila. At katuwang po ang kapulisan, na backtrack po namin, na hindi sila taga rito. Hindi po Quezon City, malayo po ang narating nila,” sabi ni Nestor Dimacali, Executive Officer ng Barangay San Antonio.
Labis ang panghihinayang ng mag-asawa, lalo pa’t katatapos lang nilang bayaran ang motorsiklo noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng P123,000.
“Mahalaga po talaga ito kasi araw-araw po ito ginagamit ng asawa ko sa trabaho po, service po namin ito. Nakakapanlumo din po isipin sir na 'yung pinaghirapan po namin ay kukunin lang po ng iba,” sabi ng asawa ng may-ari.
Naiulat na ang insidente sa Masambong Police Station na nagsasagawa ng follow-up operation, at naipaalarma na rin sa Land Transportation Office ang ninakaw na motor.
Umaasa ang mag-asawa na madadakip ang mga suspek sa lalong madaling panahon.
“Sana naman po magkonsensiya kayo at sana po lumaban po kayo nang patas. Pinaghirapan po namin ‘yan. Sana po, wala na po sana mabiktima,” sabi pa ng asawa ng security guard. —Jamil Santos/VBL GMA News
