Ibinahagi ni Dante Gulapa na nag-viral noon at tinawag na "Big Papa," na milyon-milyon piso ang kaniyang kinita sa kasagsagan ng kaniyang kasikatan. Ngunit naubos umano ito dahil sa mga pautang at sabong. Kumusta na nga ba ang buhay niya ngayon. Alamin.
“Sa ngayon po, parang medyo mas mabigat na itong taon na pumasok talaga na ‘to,” sabi ni Dante sa kaniyang nakaraang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs”
“Kasi pandemic, kahit papaano, nakadiskarte pa tayo. Nagpapautang sa mga palengke, tindahan… Ayun na lang po ‘yung mga natira. Kasagsagan ng kasikatan ko noon, ang daming pera na dumating. Pero, time na ‘yun, talagang nagpautang na rin po ako,” pagpapatuloy ni Dante.
Ayon sa kaniya, may milyon-milyon piso na ang nailabas niyang pera sa kaniyang pautang at sabong. Gayunman, marami ang hindi nagbabayad sa kaniya.
“Siguro 'yung dito sa La Loma, bago mag-pandemic, nasa P2.3 [million] nang na-release ko. Hanggang ngayon, hindi ko pa siya nasingil. Iba pa po 'yung dito sa kanto namin sa may sabungan, sa may Del Monte, nasa kulang-kulang P1M din ‘yun,” kuwento niya.
“Tapos 'yung ginawa ko, nagbukas nga po 'yung sabungan dito sa may amin. Ang ginawa ko, lahat ng nasisingil ko araw-araw, maraming ‘di nagbayad sa akin,” sabi pa ni Dante.
Depensa niya, naghahanap-buhay lamang siya sa tuwing pumapasok sa mga sabungan.
“Pero itong time talaga ito, hindi ko alam bakit sinabayan ko ng sugal. Halos kulang kulang P1 milyon din 'yung sumablay sa akin,” sabi niya.
Para mahabol ang talo, patuloy pa noon na inilaban ni Dante ang kaniyang pera sa sugal. Ngunit ngayon, sinusubukan na niyang umiwas.
“Sa ngayon, medyo naiwas-iwasan ko na nang kaunti kasi medyo maliit na lang din 'yung kapital, kaya parang ang hirap na rin,” patuloy niya.
Sinusubukang makabawi
Sa kabila ng dinadaanang mga pagsubok, sinubukan ni Dante na magnegosyo ngunit hindi nagtagumpay.
“Nag-try ako magbukas ng litsong manok, litsong baboy, tapos mga inihaw na pusit, inihaw na baka, ganoon. Tapos 'yung mga crispy pata, crispy ulo. Kaso hindi siya nag-click. Tatlong buwan. Sinara ko na kasi. Walang mangyayari, 'yung kinikita para sa tao lang,” patuloy niya.
“Gawa nga po ng ito nga, parang medyo nalulong nang konti. Sana maka-recover kahit papaano,” pag-amin ni Dante.
Ikinalungkot ni Dante na walang masyadong tumutulong sa kaniya sa kaniyang mga negosyo.
“Ang plano ko talaga nu’n, 'yung may kompyuteran ako tsaka litsunan, dahil nga, palpak 'yung litsunan ko, tas 'yung kompyuteran ko, sablay. Kasi ang problema, walang masyadong umaalalay sa akin kung paano ko gagawin,” pahayag niya.
“Siyempre kailangan ko talaga ng katuwang para sa business. Kasi wala nga akong alam sa business, pero gusto ko mag-business. Pero kumbaga sa ano, walang umaalalay na gumagabay,” sabi niya.
Naging emosyonal si Dante nang maalala ang pamilya na tila malayo ang loob sa kaniya.
“Ang hirap talaga pag 'yung walang magulang tsaka kapatid na naka-alalay sa iyo,” sabi niya. “Kasi simula't simula, sarili ko na lang din....”
Bilang isang ama, hangad din ni Dante na mapabuti ang kaniyang mga anak.
Okay lang sana, kakayanin ko. Kaso ngayon, talagang naaawa ako sa mga anak ko kasi ayaw ko sila na matulad sa akin na maligaw ng landas. Ako nakaiwas na ako sa lahat ng bisyo. Kaso, hindi man ako makapagbigay sa kanila ng kayamanan… mapalaki ko lang sila na may takot sa Diyos tsaka may magandang buhay, makapagtapos ng pinag-aralan,” saad niya.
Nananatili ang pag-asa kay Dante na malalampasan niya ang pagsubok.
“‘Yan lang, kahit siguro masaya na ako sa buhay ko. Pero, ‘di ko alam kung makapagpatapos ako ng mga anak ko. Kasi ang hirap po, wala tayong sasandalan, wala tayong hingihingian ng tulong. Ako, humihingi lang talaga ako ng tulong sa Panginoon,” sabi niya.
Matatandaang marami ang humanga sa husay sa pagsasayaw ni Dante, nang mag-trending noon ang kaniyang bersyon ng “Kahit Ayaw Mo Na” pati na rin ang kaniyang "Eagle Dance" challenge. – FRJ GMA News
