Nagtamo ng mga sugat ang isang lalaki matapos siyang tagain ng nakaalitan niyang mag-ama dahil umano sa agawan sa lupa sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa isang video ang pag-aagawan ng tatlong lalaki sa isang itak sa kalsada sa Barangay San Jose.

Isa sa kanila ang duguan na.

Makaraang tangkaing awatin ng mga residente, tuluyang bumitaw ang duguang biktima, na isinugod sa ospital.

Inilahad ng pulisya na agawan sa lupa ang ugat ng away.

Nahuli naman ang mga suspek, na mahaharap sa reklamong frustrated murder.

Tumanggi silang magbigay ng kanilang panig.

Nakalabas na ng ospital ang biktima at nasa maayos nang kondisyon, ayon sa pulisya.

Patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente. —Jamil Santos/VBL GMA News