Ilan sa mga nagpakilalang dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co ang lumagda sa mga sinumpaang salaysay (affidavit) upang bawiin ang nauna nilang alegasyon laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, Zaldy Co, at iba pang personalidad, tungkol sa umano’y paghatid nila ng mga maleta na may laman na pera.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, apat sa mga dating bodyguard ang nagpaunlak ng panayam sa harap ng camera pero hindi ipinakita ang kanilang mga mukha. Giit nila, hindi totoo ang mga nauna nilang sinabi laban sa pangulo, dating speaker, at iba pa.

Sinabi ng isa sa kanila na nais na nilang mamuhay ng tahimik, dahil nahaharap na sila sa mga banta at mga kaso dahil sa mga ginawa nilang mga naunang testimonya na hindi umano totoo.

Inihayag din nila na pinangakuhan sila ng pera na kahit dalawang taon ay hindi nila kailangang magtrabaho kapalit ng paglagda noon sa una nilang joint affidavit, na hindi raw sila mismo ang gumawa. Magkakaroon din umano sila ng seguridad.

Sa kanilang pagbawi sa ginawa nilang akusasyon, sinabi ng mga dating bodyguard na sila na mismo ang gumawa ng kani-kanilang sinumpaang salaysay na kanilang pinirmahan.

Tatlo umano sa mga dating bodyguard ang nakapirma sa affidavits na nasa Office of the Ombudsman, na bahagi ng ginagawang imbestigasyon laban kay Romualdez at iba pa.

Pinapipirma pa raw sila ng Ombudsman sa nakahandang affidavit, at pinagbantaan na kakasuhan kapag tumanggi.

Sinusubukan pa ng GMA News na makakuha ng komento mula sa Ombudsman at kay Atty. Levito Baligod, na abogado ng mga dating bodyguards.

Noong Pebrero 2026, lumantad sa publiko ang grupo ng 18 lalaki na nagpakilalang dating mga sundalo at security personnel ni Zaldy Co.

Nagsumite sila ng mga affidavit na nagsasaad na sila umano ang naghatid ng mga maleta na naglalaman ng pera kina Marcos, Romualdez, Co, at iba pang personalidad.

Ang mga affidavit ay iniharap ni Atty. Levito Baligod.

Ayon sa apat na nakausap ng GMA News, halos dalawang buwan na nilang pinag-iisipang bawiin ang kanilang mga naunang pahayag bago nila nilagdaan ang kanilang mga bagong affidavit, na ginawa humigit-kumulang dalawang linggo na ang nakalilipas.

Sinabi rin nila na may ilan pa sa kanilang dating mga kasamahan na pinag-iisipan ding bawiin ang kani-kanilang mga naunang salaysay.— FRJ GMA News