Agaw-pansin sa mga residente ng isang barangay sa Davao City ang baboy na si "Igat." Kung karaniwan kasing sa koral nakikita ang mga baboy, si Igat, nasa loob ng bahay at inaalagaan ng kaniyang amo na katulad ng isang aso.

Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing kinagigiliwan ng mga residente sa barangay 22-C sa nabanggit na lungsod si "Igat," na nakikita pa nilang natutulog kung minsan sa sofa ng bahay ng kaniyang mga amo na pamilya Andrade.

Ayon sa mga Andrade, walong buwan na nilang inaalagaan ang baboy, na minsan nang naaksidente na dahilan para matanggalan ng tatlong tadyang.

"Napaso siya ng tambutso," kuwento ni Ginang Evelyn habang ipinapakita ang marka sa gilid ng katawan ng baboy na tila may uka.

"Halos kalahati ng katawan niya [ang natamaan]. Pinahiran lang lana ng tiyahin ko. Natanggal pa ang tatlong tibs niya," dagdag ni Evelyn.

Mapapansin din ang pagiging masunurin ni Igat kay Evelyn kapag pinapapunta niya sa bayo para dumumi at maligo.

Napapahiga niya rin ang baboy kapag papaliguan niya, at madalas daw na sumunod sa kaniya kahit sa itaas ng kanilang bahay.

Mapapansin din na may nakaharang sa kanilang refrigerator dahil binubuksan daw ito ni Igat kapag naiinitan. Para malamigan, naglagay na lang sila ng ceiling fan sa sala kung saan madalas umistambay ang baboy.

Ngunit hindi lang mag-isa si Igat na inaalagaan ng pamilya, mayroon din silang aso na si Liam na kasundo at tagapagtanggol pa nga raw ng baboy.-- FRJ, GMA News