Marami ang natuwa sa ginawang review ni Michael V o Bitoy sa dalawang sikat at mamahaling sneakers para sa kaniyang vlog na #BitoyStory. Pero bukod sa naturang review, mas marami ang natuwa sa iniwan niyang mensahe tungkol sa buhay at materyal na bagay.
Ayon kay Bitoy, marami ang bumibili ng mga mamahaling bagay pero hindi naman ginagamit at ginagawa lang koleksyon. Bagay na hindi niya inayunan.
Katunayan, ang binili niyang sapatos at kaniyang sinuri na Soldier 12 Agimat ni Lebron James at PG 2 Playstation ni Paul George, kapwa raw niya ginagamit sa basketball.
Para sa Kapuso ace comedian, dapat gamitin at i-enjoy ng tao ang bagay na kaniyang binili habang nabubuhay pa dahil hindi naman ito madadala sa kabilang-buhay, at tanging sa hukay lang puwedeng isama.
Ginawa niyang halimbawa ang isa niyang kaibigan na maraming koleksyon ng mamamahaling sapatos pero nanghihinayang gamitin. Hanggang sa isang araw, bigla itong pumanaw at hindi man lang napakinabangan ang mga biniling bagay.
Panoorin ang buong video sa makabuluhang payo ni Bitoy tungkol sa materyal na bagay at buhay, at alamin din kung alin sa dalawang sapatos ang mas gusto niya— ang Soldier 12 Agimat ni Lebron James o ang PG 2 Playstation ni Paul George.
-- FRJ, GMA News
