Inihayag ng Mastercard Inc nitong Linggo na iimbestigahan nila ang alegasyon laban sa Pornhub.com kasunod ng lumabas na artikulo sa pahayagan tungkol sa umano'y ilang video na tila naglalarawan ng mga inaabusong kababaihan at kabataan. Kaagad namang itinanggi ng Pornhub ang paratang.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nakasaad sa New York Times column na isinulat ni Nicholas Kristof, na mayroon umanong ilang video sa naturang porn site na naglalarawan ng pang-aabuso sa ilang babae at bata na walang malay.

"The issue is not pornography but rape. Let's agree that promoting assaults on children or on anyone without consent is unconscionable," saad ni Kristof sa kaniyang kolum na inilathala noong Biyernes.

Itinanggi naman ng Pornhub ang paratang.

"Any assertion that we allow CSAM (child sexual abuse material) is irresponsible and flagrantly untrue," ayon sa ipinadalang pahayag nito sa Reuters.

Sinabi ng Mastercard sa ipinadalang pahayag sa Reuters na iimbestigahan nila ang alegasyon laban sa Pornhub's parent na MindGeek's bank.

"If the claims are substantiated, we will take immediate action," anang Mastercard.

Ang billionaire investor na si Bill Ackman, hiniling sa Mastercard at Visa Inc na pansamantalang itigil ang pagbabayad sa Pornhub kasunod ng lumabas na artikulo.

Kasama rin ang American Express Co ang hinikayat ni Ackman na kumilos tungkol sa usapin pero hindi pa naman tinatanggap sa naturang site ang nabanggit na card.

Wala pa umanong ibinibigay na pahayag ang Visa, ayon sa ulat.

Ayon naman sa American Express, mayroon na silang "longstanding global policy" na nagbabawal sa pagtanggap ng card na may digital adult content sa website.

Iminungkahi ni Ackman na dapat gawing ilegal ng porn site na pag-post ng video na hindi pa nasusuri, at hindi natitiyak ang edad at pangsang-ayon ng mga nasa video.

Ipinaliwanag naman ng Pornhub na mayroon silang human moderators na nagrerebisa sa bawat video na inilalabas sa kanilang website, bukod pa sa "automated detection technologies."

Hindi naman binanggit ng Pornhub kung ilan ang tauhan nilang nagsasagawa ng pagsusuri sa mga video.

Nakatawag din ng pansin ng ilang politiko ang artikulo ni Kristof, gaya ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau, na nagpahayag na makikiapgtulungan ang kaniyang gobyerno sa pulisya at security official para tugunan ang naturang usapin.

Sa United States, sinabi ni Senador Josh Hawley na maghahain siya ng panukalang batas na magbibigay karapatan sa tao na magdemenda na, "coerced or trafficked or exploited by sites like Pornhub." —Reuters/FRJ, GMA News