Naging bahagi ng isang kasaysayan sa United Kingdom ang isang Pinay nurse matapos na siya ang magsagawa ng kauna-unahang pagturok ng COVID-19 vaccine sa isang 90-anyos na babae doon.

Sa online news na The Guardian, kinilala ang Pinay nurse na si May Parsons, ng University hospital, Coventry, mula sa Pilipinas at 24 taon nang nagtatrabaho sa National Health Service ng UK.

Bahagi rin ng makasaysayang mass vaccination program ng UK si Margaret Keenan, ang kauna-unahang binakuhan ng COVID-19 vaccine sa kanilang bansa.

BASAHIN: Pinoy health workers sa UK, makakasama sa mga prayoridad na mabigyan ng COVID-19 vaccine

Itinuturing ni Parsons na malaking karangalan na siya ang kauna-unahang nagbakuna ng gamot sa pasyente na panlaban sa COVID-19.

“I’m just glad that I’m able to play a part in this historic day. The last few months have been tough for all of us working in the NHS, but now it feels like there is light at the end of the tunnel,” saad ni Parsons sa ulat.

Para naman kay Keenan, isang malaking pribilehiyo ang tanggapin ang naturang bakuna. Nagpasalamat din siya kay Parsons at sa mga tauhan ng NHS sa pag-aaruga sa kaniya.

“I feel so privileged to be the first person vaccinated against COVID-19, it’s the best early birthday present I could wish for because it means I can finally look forward to spending time with my family and friends in the new year after being on my own for most of the year,” ayon kay Keenan.

Kabilang ang mga nakatatanda at mga health workers sa listahan ng mga prayoridad na babakunahan sa UK.

Ang Britaniya ang unang bansa sa mundo na nag-apruba para magamit ang Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine. --FRJ, GMA News