Kung nabansagan man siyang "bad boy" sa dance floor, good boy naman ang ipinapakita ni Mark Herras bilang ama ng anak nila ni Nicole Donesa na si Baby Corky.

Sa programang "Mars Pa More," ikinuwento ni Mark na "baliktad" ang araw niya para pag-aalaga sa kaniyang anak sa madaling araw.

Ayon sa Kapuso actor, karaniwang 10:00 pm o 11:00 pm nagsisimula ang araw niya para sa kaniyang "graveyard shift" sa pagbabantay kay Baby Corky kapag gising ito o kailangang palitan ng diaper.

Sa unang mga linggo raw ni Baby Corky, ang mga magulang pa nila ang umaalalay sa pagbabantay sa bata dahil takot pa si Mark na hawakan ang anak dahil sariwa pa ang pusod nito.

Pero sa paglipas pa ng mga araw, kinailangan daw ni Mark na labanan ang kaniyang takot hanggang sa magawa na niyang hawakan at tuluyang matutunan na ang pagpapalit ng diaper ng baby.

Bagaman aminadong mahirap, sinabi ni Mark na sulit naman daw ang pagod at puyat kapag nakikita ang kaniyang anak.

Kaya payo niya sa mga bagong ama, kailangang maging pasensyoso at kailangang magsakripisyo.

Looking forward at nasasabik naman ang aktor sa sandaling mas tumibay na ang mga buto ni Baby Corky mula sa pagkatuto nitonf gumapang, maglakad at makasabay niyang magsayaw.

Inihayag din ni Mark ang labis na paghahanga at pasasalamat sa kaniyang kabiyak na si Nicole dahil sa pagiging matapang at sakripisyo mula sa pagbubuntis hanggang sa pagsilang sa kanilang anak. Panoorin ang panayam na ito.


--FRJ, GMA News