Ang inakalang dobleng suwerte na ihahatid ng taong 2020, naging doble-dobleng pasakit na tila taon na isinumpa para sa komedyanteng si Allan K.

Sa kaniyang pagbisita sa programang "The Boobay and Tekla Show," ibinahagi ni Allan K ang mga pagsubok na kaniyang kinaharap sa nagdaong taon mula sa kaniyang sarili, sa kaniyang pamilya hanggang sa kaniyang negosyo.

"Hindi ko talaga makalimutan, day 1 ng 2020, sabi ko, 'This is the day kaya i-claim niyong lahat. This is a good year kasi doble, bente, bente, dobleng bente," ayon sa komedyante.

"Pero Enero pa lang, pumutok na yung Taal, nasundan ng kung anu-anong trahedya. Nagpandemya ng March. Nagsara tayo, Klownz and Zirkoh," patuloy niya patungkol sa kaniyang dalawang comedy bar.

"Ano ba ‘tong taon na ‘to, parang isinumpa," saad niya.

Ayon kay Allan, naging mabigat sa kaniya ang desisyong isara ang mga comedy bars dahil gabi-gabi niya itong pinupuntahan lalo na sa mga araw na nalulungkot siya.

Bukod sa pagsasara ng Klownz at Zirkoh, halos magkasunod din na pumanaw ang kaniyang dalawang kapatid.

Nalagay din sa panganib ang kaniyang buhay nang tamaan din siya ng COVID-19.

Nagpapasalamat na lang si Allan na naging matatag siya sa lahat ng mga dumating na pagsubok noong 2020.

"Siguro kung mahina-hina ako, tinamaan na rin siguro ako ng depresyon. Buti na lang nasanay na talaga ako mag-isa, simula’t sapul, strong na talaga akong tao. Never ako tinamaan ng depresyon," saad niya.

Katunayan, hindi raw siya naiyak nang dumating ang naturang pagsubok at nagawa lang niyang lumuha nang maging guest siya sa segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga."

"Doon ko lang nabuhos lahat," ayon kay Allan.

Sa kabila ng lahat, nananatiling positibo ang komedyante sa kaniyang pananaw sa buhay at tiniyak niyang magbabalik ang dalawang bar niyang nagsara kapag bumuti na ang kalagayan ng bansa laban sa pandemiya.--FRJ, GMA News