Nagpaliwanag si Sophie Albert tungkol sa kaniyang napakaputing kamay na napansin ng netizens nang magpost sila ng fiancé na si Vin Abrenica ng kanilang engagement.

"Kasi hindi na kami nakakalabas ng bahay, eh before that, palagi kaming nagbi-beach ni Vin. Siguro hindi sila sanay na I was that white," natatawang sabi ni Sophie sa Kapuso Showbiz News.

Tinawanan na lang ni Sophie ang ilang komento na tila raw kamay na ng patay ang kaniyang kamay dahil sa sobrang kaputian.

"And also, may flash naman kasi 'yun. 'Yung kamay ni Vin siyempre mas moreno siya, so 'yung kamay niya, ewan ko, 'yung contrast ng colors namin sobrang na-emphasize roon sa video. Pero yeah, 'yun talaga 'yung napansin nila, 'yung kamay. Parang kamay daw ng patay," sabi pa ng natatawang ni Sophie.

Inanunsyo nina Sophie at Vin noong Pebrero 13 na engaged na sila, kung saan ibinahagi ni Vin sa Instagram ang engagement ring na isinuot niya sa kaniyang nobya.

Hindi naman maiwasan ng netizens na magkomento dahil sa napakaputing kamay ni Sophie, na tila nasobrahan daw sa gluta, o kaya naman ay kamay daw ng bampira at kabilang si Sophie sa Adam's Family.

Vin Abrenica's wedding proposal

Nagkuwento rin si Sophie sa sorpresang proposal sa kaniya ni Vin.

Ayon kay Sophie, gagawa lang sana sila ng maternity shoot sa bahay nila sa Batangas.

"The whole day went by na wala akong kaalam-alam and then 'yung last layout namin was supposed to be a video lang of us watching the fireworks," kuwento ng Kapuso actress.

Nakatakda sanang ianunsyo nina Sophie at Vin ang pagbubuntis ni Sophie noong New Year.

"And then 'yun, bigla na lang he proposed to me, and then that's how the proposal happened, so no idea," sabi niya.

"I thought talaga it was part of our video, akala ko pakulo namin 'yun, kasi I was pregnant na for a couple of months before kami nag-announce, so we worked on our maternity shoot para maganda 'yung remembrance namin. I thought it was gonna be for that talaga. I didn't expect na may engagement pala na mangyayari," dagdag ng Kapuso actress.

Handa na raw si Sophie na manganak dahil nasa full-term na siya.-- FRJ, GMA News