Nagkaroon ng pagtatalo si Kim Rodriguez at ang kapitbahay niyang barangay kagawad dahil sa pagka-park ng sasakyan ng aktres, ayon sa “24 Oras Weekend.”

Sa ulat ni Jonathan Andal, sinabi ni Rodriguez na inalis niya ang sasakyan sa harap ng bahay ni Kagawad Ronald Ortiz dahil alam niyang nakaharang ito.

“Nakaharang po yung sasakyan ko nang mga isang dangkal po, naka-usli lang po yung pwetan ng sasakyan ko tapos inalis ko naman po kasi alam kong nakaharang,” sabi niya.

“Nung inalis ko, nakapasok naman po siya ta’s pagka-alis niya, pinark ko po ulit. Sabi po ni kagawad, ‘Alisin mo yung sasakyan mo, alisin mo,’” tuloy niya.

Ayon kay Rodriguez, tinanong niya si Ortiz kung maaari siyang pumarada roon dahil nakadaan naman na ang sasakyan niya at mahirap ang parking sa kanila.

“‘Nakikiusap po ako na baka pwedeng doon muna ako mag-park kasi alam naman po niya na mahirap po yung parking sa lugar namin lalo na po sa street namin,” sabi niya.

Dagdag ni Rodriguez, natakot siya sa mga lalaki na pinaligiran umano ang kanilang bahay.

“Tumawag po siya ng mga grupo ng kalalakihan tapos po nag-iikot po sa harapan namin, naglalakad-lakad po, parang tinitingnan yung bahay namin,” sabi niya

“Natatakot ako [kasi] dalawa lang kami roon,” she added. “Hindi ko alam yung gagawin ko kasi takot na takot talaga ako. Hindi ako makatulog kagabi.”

Sabi naman ni Ortiz ay hindi siya nagtawag ng mga pulis. Kaya lang daw may dumating ay para ma-monitor ang sitwasyon. Itinanggi rin niya na "umaaligid" ang mga lalaki sa labas ng bahay ng aktres.

“Wala pong umaaligid. ‘Yon po siguro yung [nakita] niyang supporter ko po, mga kasama ko po. Hindi po ‘yon mga umaaligid talaga,” sabi ni Ortiz.

Si Rodriguez daw ay na-“offend” dahil sinabihan siya na ‘wag maging emosyonal at isama sa sitwasyon ang pagiging artista niya.

Ayon naman sa Chairwoman ng Barangay Concepcion Dos ng Marikina na si Mary Jane Zubiri-Dela Rosa, si Ortiz at Rodriguez ay nagkaroon na ng pagtatalo dati.

“May mga pangyayari before na kinatakot din ni Kagawad Ronnie don sa mga kaibigan ni Ms. Kim kaya mas gusto niya may pulis pero kung titingnan mo, talagang overkill.”

Ang dalawang partido ay nagkaroon na ng “amicable settlement” na si Rodriguez ay hindi na paparada nang nakaharang sa daan.

Hiling naman nila ay hindi na sila magkaroon ng kaparehong problema sa hinaharap.

“Ako’y saludo rin po sa iyo. Pasensya na sa pagkukulang. Sana po ay maging maayos na po tayo,” sabi ni Ortiz kay Rodriguez.

“Wala po akong masabi kundi pasensya. Pasensya kasi alam ko pong nagkamali ako, nag-block ako ng driveway niyo pero sana po hindi na maulit,” sabi naman ni Rodriguez. — Franchesca Viernes/BM, GMA News