Bilang isang binata, sinubaybayan din ng publiko ang buhay pag-ibig noon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. Ilang kilalang personalidad ang naugnay sa kaniya maging sa larangan ng media.

Sa isang ulat noong 2011, inihalintulad ni Aquino sa soft drink ang kaniyang love life na mula sa “regular," naging “light," at tuluyang naging “zero."

"May nagtanong ho kasi sa akin, sabi niya, 'kamusta love life mo?' Eh ang sabi ko po sa kaniya, parang Coca Cola," kuwento niya. "Noong araw, 'regular.' Naging 'light.' Ngayon, 'zero.'"

Kilala ng mga malapit sa dating pangulo ang hilig niya sa soft drink.

Ilan sa mga naging nakarelasyon ni Aquino ay ang mga broadcast journalists na sina Korina Sanchez at Bernadette Sembrano. Gayundin ang dating konsehal ng Valenzuela na si Shalani Soledad.

READ: PNoy's love life: 10 women who caught his eye

May kani-kanilang pamilya na ngayon sina Korina, Bernadette at Shalani.

Napangasawa ni Korina si dating Senador Mar Roxas, habang ikinasal naman si Bernadette kay Emilio Aguinaldo IV. Si Pasig Representative Roman Romulo naman ang napangasawa ni Shalani.

Ilang celebrity rin ang naugnay kay Aquino o napabalitang naka-date niya.

Kabilang sa kanila ang dating aktres na si Barbara Milano, Maricel Morales, Grace Lee at stylist na si Liz Uy.

Noong kongresista pa si Aquino bilang kinatawan ng Tarlac sa Kamara de Representantes, nadikit din ang kaniyang pangalan kay Asia's Songbird Regine Velasquez.

Pero sa isang panayam, inamin ni Aquino ang paghanga niya sa ganda attalento ni Regine pero itinanggi niyang nanligaw sa mang-aawit.

Ilan pang pangalan ang napag-usapan ng media matapos na makitang kasama ni Aquino katulad ni Len Lopez na isang banker, at guro na nagngangalang Bunny Calica.

Sa isang text message ni Aquino noong 2012, sinabi niya na kahit “zero" ang kanyang love life, ang taong-bayan pa rin na tinawag niyang "boss ko" ang nagbibigay sa kaniya ng inspirasyon.

Pumanaw si Aquino nitong Huwebes sa edad na 61 dahil sa renal disease secondary to diabetes.--FRJ, GMA News