Ano kaya ang napala ng isang tao na hindi nakapaghanda bago siya lumisan sa mundo? (Mateo 24:42-44).

Anong saysay ng kasikatan at pagiging mayaman habang nabubuhay pero nang pumanaw naman ay hindi nagawang pagsisihan ang mga kasalanan at hindi napaghandaan ang kaniyang pagpanaw? Ano ang magiging katayuan niya kapag humarap na siya sa ating Panginoong Diyos?

Sa Mabuting Balita (Mateo 24:42-44), pinapaalalahanan tayo  na maging handa tayo dahil hindi natin alam kung kailan darating ang ating Panginoon.

Sinasabi sa Pagbasa na ang wakas ng isang tao ay katulad ng isang magnanakaw na walang nakababatid kung kailan sasalakay. (Mt. 24:43)

Ganito rin ang paalala ni San Juan Bautista nang sabihin niyang magsisi tayo at talikuran ang ating mga kasalanan. Sapagkat malapit nang dumating ang Kaharian ng Langit. (Mateo 3:2)

Dalawang bagay ang maaaring maging wakas ng tao sa ibabaw ng lupa: Ang pagbabalik ng Panginoong HesuKristo at ang kamatayan.

Hindi layunin ng Pagbasa na takutin tayo at magkaroon ng pangamba. Bagkus ay nais lamang nitong ituro na mahalagang na makapaghanda tayo. Sapagkat wala naman talagang nakakabatid kung kailan darating ang katapusan ng isang tao.

May ilan naman na pinaghahandaan ang kanilang paglisan sa mundo pero  mali ang konsepto na kanilang ginawang paghahanda, at hindi naayon sa isinasaad sa Ebanghelyo.

Dahil ang ginagawa nilang paghahanda ay pag-iipon ng yaman, ari-arian at iba pang materyal na bagay na maiiwan nila sa kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay.

Bagama't hindi naman ito masama, hindi rin naman dapat kalimutan ang paghahandang espirituwal para sa pagharap natin sa ating Panginoong Diyos sa takdang oras o panahon.

Maaaring maging sikat tayo sa paningin ng mga tao pero paano naman sa paningin ng ating Panginoong Diyos?

Ito ang mensahe sa Sulat ni San Marcos na nagsasabing... ano ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kaniyang kaluluwa. (Marcos 8:36)

Ating tandaan na ang mga materyal na bagay na ating iniipon ay hindi natin madadala sa ating pupuntahan kapag tayo'y pumanaw na.

Sa ating pagharap sa Panginoong Diyos, hndi Niya tayo tatanungin kung gaano tayo kayaman o kasikat noong nabubuhay. Sa halip, ang itatanong Niya ay paano tayo nabuhay at naipadama sa kapuwa ang Kaniyang pagmamahal.

Ito ang paghahanda na kailangan natin gawin kung nais natin matamo ang buhay na walang hanggan at makapiling ang Diyos sa Kaniyang Kaharian.

Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan Mo po kami na makagawa ng kabutihan sa aming kapuwa. Sapagkat nais namin maghanda sakaling tawagin Mo kami. Hindi namin nais na lisanin ang mundo na isang makasalanan. AMEN.

--FRJ, GMA News