Sumabak sa salad eating contest sa Glendale, California ang giant rabbit na si Honey 'Mega' Bunny, laban sa isang babaeng kontesera sa kainan.

Sa ulat ng Reuters, sinabing mahilig sa lettuce o letsugas si Honey, habang apat na taon nang competitive eater ang katunggali niyang tao na si Raina Huang.

Pero nang sumabak na sila sa lapangan na inorganisa ng Chop Stop, nakaubos si Huan ng 3.5 pounds (1.5 kg) ng chopped salad sa loob ng 10 minuto,. Habang natulala naman si Honey sa harap ng tumpok ng letsugas.

Para hindi mapahiya ang Team Bunny, pinayagan sila ng organizer na magtawag ng resbak na kuneho na si Precious.

Gayunman, wala ring kinain kahit isang dahon ng gulay si Precious.

 

 

Hindi naman daw nagulat sa resulta ng laban ang may-ari ng mga Giant Flemish rabbit na si Owner Louis Moses.

"Rabbits are not scarfers. They're not like dogs, just scarf it down quickly. They're nibblers. They nibble all day, all night. So they eat decent amounts, but over a period of time," paliwanag ni Moses.

Inihayag ni Huang, na hindi talaga kumakain ng salad, nahirapan siyang lunukin ang gulay.

Ibinahagi rin niya ang kaniyang taktika kapag sumasabak sa kompetisyon.

"It was more of like a challenge to myself. When I do contests and challenges, usually I don't really pay attention too much to what competitors do. I think the best for me is just to see the best of what I can do," pahayag niya. --Reuters/FRJ, GMA News