Kinagigiliwan ngayon ng mga netizens ang isang aso sa Baguio City na nagtago sa kumot at nagtulug-tulugan matapos isumbong sa kanyang amo.

Nine months old na ang asong si Koko, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Kuwento ng kanyang owner na si Christian Lising, oras na noon ng pagtulog ni Koko at kinumutan na siya ng kanilang mama.

Nang pumasok na sa kuwarto ang kanilang mama ay nakipagkulitan daw si Koko dahil nakita niyang may gising pa at nanonood ng TV.

Dito na siya isinumbong sa kanilang mama.

Nang marinig ito ni Koko ay tila takot na nagtago na ito sa kumot at kunyari ay tulog na.

Kuwento ni Christian, malambing daw si Koko at parang anak na ang turing sa kanya ng kanilang mama.

Pinusuan ng mahigit 16,000 netizens ang video ni Koko na in-upload sa Tiktok. —KG, GMA News