Nagdulot ng takot sa ibang tao sa Bukidnon ang napaulat ng umano'y zombie attack sa isang lalaki sa isang barangay sa Valencia City. Pero matapos na linawin ng pulisya na hindi zombie ang suspek, may bagong pinapangambahan ang biktima.

Kuwento ng biktimang si Anthony Arimas sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," dakong 1:00 am nang magising siya sa kanilang bahay dahil may nadinig siyang sumisigaw sa labas at tila galit na galit.

Nang lumabas siya, nakita umano niya ang isang tao na walang saplot, namumula ang mga mata, malansa ang amoy, malaki ang pangangatawan, at bigla na lang siyang inatake.

Sabi pa ni Arimas, pinagkakagat siya ng lalaki na inakala niyang aswang at dinilaan pa raw ang dugo sa kaniyang sugat. Gusto pa raw nitong dukutin ang kaniyang mata.

Nang makakuha ng pagkakataon, nakatakbo at nakahingi ng tulong si Arimas.

Naaresto naman ang lalaking umatake sa kaniya na itinago sa pangalang "Maynard."

Kasunod ng nangyari kay Arimas, kumalat na sa social media na zombie attack ang nangyari sa kaniya.

Pero paglilinaw ng pulisya, hindi zombie si Maynard ngunit palaisipan kung bakit niya inatake ang biktima.

Sa isang pahayag, itinanggi rin ng suspek ang mga paratang ni Arimas na sinipsip niya ang dugo nito at hindi raw totoo na hubo't hubad siya.

Mayroon daw siyang kasuotan noon pero nahubad ang kaniyang damit sa kanilang pagbubuno.

Gayunman, may bagong pangamba ang biktima nang malaman niya na reklamong slight physical injuries lamang ang isinampa laban sa suspek.

Dahil dito, maaaring makapagpiyansa ang suspek at makalaya. Kaya naman nagtungo muli sa himpilan ng pulisya ang biktima para alamin kung maaaring sampahan ng mas mabigat na kaso ang suspek.

Mapagbigyan kaya ang hiling ni Arimas at sino nga ba si Maynard sa pagkakakilala sa kaniya ng kanilang barangay? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News