Kabilang ang Hollywood actor-director na si Sean Penn sa libu-libong tao na umaalis ng Ukraine. Sa isang larawan na ipinost niya sa Twitter, makikita ang aktor na maglalakad papunta umano sa border ng Poland.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nagpunta sa kapitolyo ng Ukraine na Kyiv si Sean, 61-anyos, para kumuha ng video sa ginagawa niyang documentary sa ginawang pagsalakay ng Russia sa naturang bansa.

Sa Twitter, nag-post si Sean ng larawan noong February 28, na makikitang naglalakad siya ay may hatak na bagahe.

Makikita rin ang napakaraming sasakyan na tila hindi umuusad.

“Myself & two colleagues walked miles to the Polish border after abandoning our car on the side of the road,” saad ng aktor sa caption. “Almost all the cars in this photo carry women & children only, most without any sign of luggage, and a car their only possession of value.”

Hindi binanggit sa tweet kung bakit kinailangang iwan ni Sean ang kanilang sasakyan.

 

 

Sa email sa Reuters, sinabi ni Mara Buxbaun, spokesperson ng aktor sa Los Angeles, na ligtas na nakaalis ng Ukraine si Sean.

Pero hindi niya sinabi kung nasaan ngayon ang aktor at ang mga pangyayari sa pag-alis nito sa Ukraine.

Noong Feb. 24, dumalo si Sean sa press briefing sa tanggapan ni Ukraine President Volodymyr Zelenskiy sa Kyiv, at kumuha ng mga footage.

Ito rin ang unang araw ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

“Sean Penn is among those who support Ukraine in Ukraine today. Our country is grateful to him for such a show of courage and honesty,” saad sa inilabas na pahayag ng Ukrainian Presidential Press Service.

Sa mga nakaraang tweet, nagpahayag ng suporta si Sean sa Ukraine at tinawag niya ang mga Ukrainian na, “historic symbols of courage and principle.”

"Ukraine is the tip of the spear for the democratic embrace of dreams. If we allow it to fight alone, our soul as America is lost," ayon sa aktor.

--Reuters/FRJ, GMA News