Kayang-kaya nang bitawan ni Kylie Padilla ang paboritong linya ng mga naglalaro ng bilyar na "Sumakay ka pa!" dahil sa ipinakikita niyang husay sa naturang laro.

Sa video post ni Kylie sa Instagram, makikita na kasama niya sa set ng upcoming series na "Bolera," ang mga billiard masters at legends na sina Efren "Bata" Reyes, Django Bustamante, Rubilen Amit at Johann Chua.

Nagpamalas si Kylie ng isang trick shot na tatlong beses niyang pinabanda ang pamatong bola o cue ball bago pinatama sa isang bola na nagpapasok naman sa target na bola.

 

 

Napa-high-five si Efren at Django sa ginawa ni Kylie na gaganap na billiard player sa "Bolera."

"Sobrang saya ko para kay Joni," sabi ni Kylie patungkol sa karakter niya si Joni sa series.

"Salamat mga idol Efren, Rubilyn, Django and Johann," dagdag niya.

Pero bago pa man magpakita ng husay si Kylie sa harap ng mga billiard master, may video rin ang aktres ng isa pang trick shot na pinatalon muna niya ang cue ball, pinabanda, at saka tumama sa target na bola.

"After 2 hours naitawid din ang tawid dagat. #BOLERA," saad ni Kylie sa caption na kitang-kita ang tuwa nang magawa niya ang pambihirang tira.

 

 

Makakasama ni Kylie sa "Bolera" sina Rayver Cruz at Jak Roberto.— FRJ, GMA News