Kabilang ang mga coin o barya sa mga paboritong kolektahin. Ano nga ba ang unang baryang ginamit sa Pilipinas, at totoo nga ba na mayroong klase ng P20 coin na puwedeng maibente ng P20,000?
Sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng trivia master na si Kuya Kim Atienza na ang piloncito ang pinaunang kinilalang coin sa Pilipinas.
Mga bead ito na gawa sa ginto na ginamit ng ating mga ninuno para bumili ng mga bagay nang humina na ang barter trade.
Samantala, ang 1906 US-Philippine peso coin naman daw ang itinuturing na king of Philippine peso.
Gawa raw ito sa 90% silver, at nasa 200 piraso na lang ang natitira kaya gusto itong makuha ng mga kolektor.
Dahil pambihira, aabot umano sa P1 milyon ang presyo ng baryang nito.
Sa mga bagong henerasyon naman ng coin, may naniniwala na posibleng maging higit sa tunay na halaga ang ilan sa disenyo ng bagong P20 coins.
Matatandaan na pinalitan ng coins ang dating papel na P20 dahil sa itinuturing ito ang pinakamadalas na gamitin ng mga tao.
Ang sari-sari store owner sa Leyte na si Neliza Utrera, nakakolekta na ng 30 piraso ng baryang P20.
Balak daw niyang ipa-frame ang mga coin. Pero may isa sa mga coin ang plano niyang ibenta dahil sa napanood daw niya na posibleng P20,000 ang halaga nito.
Mayroon po akong napanood na kapag yung mintmark nakatapat sa bandang kuwelyo ng bayani, 'yon po eh worth P20,000. Sana po maibenta ko po siya," sabi ni Neliza.
Pero paliwanag ng Bangko Sentral ng Pilipinas, huwag maniniwala na maaaring mas mataas ang halaga ng mga new generation currency (NGC) series.
“Hindi ito rare. Marami po tayong barya na bente,” sabi ni Nenette Malabrigo ng currency policy and integrity department ng BSP.
“Kung ano ang makikita nating denominasyon dito, ’yun ang katapat niyang value,” dagdag niya. – FRJ, GMA News
