Nabulilyaso ang modus ng isang snatcher na nanghablot ng cellphone habang nakasakay sa bisikleta.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, madidinig sa video na may sumisigaw na snatcher! snatcher!

Hinahabol ng rider ang isang biker na may hawak na cellphone.

Nagmalasakit pala ang rider na habulin ang biker na nanghablot ng cellphone ng isang lalaki.

Nang abutin ng rider ang biker, sinigawan niya ito na isauli ang cellphone. Wala nang nagawa ang suspek kung hindi ibigay ang cellphone at mabilis na umalis.

Nagpasalamat naman ang may-ari ng cellphone na hapong-hapo at nakayapak na dahil sa paghabol din sa kawatan.

Natatawang nagulat ang nagmalasakit na rider at backride niyang babae nang malaman nila na  "one way" pala ang napasok nilang daan nang habulin nila ang snatcher sa hindi binanggit na lugar.-- FRJ, GMA News