Nagluluksa ang showbiz industry sa pagpanaw ng isa sa mga iginagalang na celebrity makeup artist na si Fanny Serrano nitong Martes ng gabi.

Kinumpirma ni Maktin Miranda, na ama ang tawag kay Fanny, ang malungkot na balita sa pamamagitan ng social media nitong Miyerkules.

Pumanaw umano si Fanny dakong 9 pm nitong Martes "at the comfort of our home."

Sinabi ni Maktin sa GMA News Online na nakaranas si Fanny ng "massive stroke since March 2021, and he has been recuperating since then."

"He died peacefully in his sleep," dagdag niya.

SA

Sa Facebook post, sinabi ni Maktin na, "the whole family is comforted by the fact that a lot of you are celebrating his life and paying tribute on how he has touched people's lives."

Binalikan naman ni Kiray Celis ang magandang alaala nila ni Fanny na tinawag niya "fairy godmother."

"We appreciate everyone's condolences. Thank you for being with us on this difficult time," saad niya.

Sa hiwalay na Facebook post, nagpasalamat si Maktin sa kaniyang Papa.

"Thank you to this Man who nurtured, cared and loved me, the one I called Papa, this Man who taught me the true meaning of life," ayon kay Maktin.

"I AM PROUD TO BE YOUR DAUGHTER. Maulit man ang mundo, ikaw at ikaw pa din ang ipagdadasal ko na maging tatay ko. Curtains down, it's your final bow, but your LEGACY lives on forever,” patuloy niya.

Ayon kay Maktin, nais sana ng pamilya na maging pribado ang kanilang pagluluksa.

"Pero we saw the outpouring of love para kay Papa," sabi ni Maktin sa GMA News. "We know he is a public figure at madaming gusto makiramay. Ayaw po namin tanggalin sa kanila ang karapatan na yun."

Ibabahagi ng pamilya ang detalye ng burol at libing ni Fanny sa susunod na araw habang inaasikaso pa nila ang lahat.

"Sobrang nakaka-comfort sa puso na malaman my Papa served his purpose," ani Maktin. --FRJ, GMA News