Nagbigay ng payo si Rufa Mae Quinto sa mga bagong tropa ng longest-running gag show na "Bubble Gang," na dati niyang kinabibilangan.

"Actually, hindi ko pa sila nami-meet eh, so wala po akong ma-a-advice sa kanila," biro ni Rufa sa "The Boobay and Tekla Show."

"Basta ang message ko lang, dito lang me," natatawa pang sabi ni Rufa. "Call me lang. Huwag silang magkamali kasi lalaitin ko sila."

Pero ang tunay na payo ni Rufa, dapat seryosohin ng mga bagong members ang kanilang trabaho kahit pa ito ay comedy show.

"Ang masasabi ko po sa kanila, una, congratulations, you made it. Pero its only the beginning of the start. Seryosohin natin ang comedy," saad ni Rufa.

Taong 2020 nang muling nakapag-guest si Rufa sa "Bubble Gang." Ilan sa mga nakasabay niya bilang "Bubble Gang" babes sina Maureen Larrazabal, Diana Zubiri, Ara Mina at Francine Prieto.

Posible ring muling mapanood si Rufa sa naturang gag show sa pagbabalik niya sa telebisyon ngayong 2022.

Kabilang naman sa mga bagong katropa ang "Bubble Gang" na sina Tuesday Vargas, Kokoy de Santos, Kim De Leon, Faith da Silva at Dasuri Choi.--FRJ, GMA News