Dalawang pasyenteng brain-dead na sumailalim sa heart transplant gamit ang puso ng baboy sa New York University. Bahagi pa rin ito ng ginagawang pag-aaral tungo sa hangarin na maging pamalit ang puso ng naturang hayop sa mga taong may sakit sa puso.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing sumailalim sa genetic engineering ang mga puso ng baboy para umangkop ito sa katawan ng tao at mapigilan ang abnormal na paglaki ng puso.
Sinabi ng mga doktor na pinili nilang gawin ang eksperimento sa mga pasyenteng brain-dead para mas mapadali ang gagawing mga pagsusuri.
"We were able to, in real time capture everything that was sort of going during that 72-hour period. We could determine that in tremendous detail by taking biopsies, looking at it under the microscope, doing special staining, analyzing. So the detail, the amount we could learn was tremendous," sabi ni Dr. Robert Montgomery, NYU Langone Director of Transplant Institute.
Isinagawa noong Enero 2022 ang unang pig-to-human heart transplant sa isang 57-anyos na lalaki sa Maryland.
Matagumpay ang operasyon, ngunit namatay din ang pasyente matapos ang dalawang buwan.
Hinala ng mga eksperto, nakaapekto sa kalusugan ng pasyente ang porcine cytomegalovirus, isang pig virus na nakita sa dugo niya.
Sa panibagong eksperimento, siniguro ng mga doktor na walang virus na matatagpuan sa puso ng baboy.
Sakaling maging matagumpay ang pag-aaral, inaasahang malaking tulong ito para matugunan ang malaking pangangailangan para sa heart transplant.
Sabi ni Dr. Alex Reyentovich, NYU Langone cardiologist, na may anim na milyong indibidwal na may heart failure sa Estados Unidos, kung saan 100,000 sa kanila ay may end-stage heart failure.
Gayunman, halos 3,500 na mga heart transplant lamang ang naisasagawa kada taon sa Amerika.
"Xenotransplantation really has the capability of addressing some of those supply limitations and saving innumerable lives," sabi ni Dr. Reyentovich.--FRJ, GMA News
