Sa kabila ng kaniyang kondisyon, pinatunayan ng isang 32-anyos na may autism spectrum disorder ang kabutihan ng kaniyang puso nang ibili niya ng mga bagong krayola ang naipong P13,000 mula sa panghihingi ng P5, at ipinamigay niya sa mga estudyante sa Balete, Aklan.

Sa programang "Good News," sinabing mahirap ang buhay ng mga mag-aaral sa Calizo National High School kaya hindi madali para sa mga ito ang bumili ng mga bagong krayola.

Dahil dito, pudpod na mga krayola na lang ang ginagamit ng mga estudyante sa paaralan.

Kaya laking pasasalamat nila nang dalhan sila noong pasukan ng 160 kahon ng mga bagong krayola ni Chris Francisco, isang binata na may autism.

Kahit hindi nakapagtapos at hindi nakakapagtrabaho, may angking talino si Chris. Marunong siyang makaunawa at sumusunod sa mga simpleng utos ng kaniyang tiyahin gaya ng pagwawalis, pag-igib ng tubig at pagdidilig.

Sa tuwing matatapos sa mga gawain, nanghihingi si Chris ng P5 sa kaniyang tiyahin at maging sa iba pang tao.

Aminado ang tiyahin ni Chris na kung minsan ay nahihiya siya sa ginagawang panghihingi ng pamangkin ng P5 sa ibang tao.

Ngunit ang hindi nila alam, inipon ni Chris ang pera sa kaniyang kama. Sa loob ng tatlong taon, umabot ang naipon ni Chris sa P13,000--halaga na ipinambili niya ng mga bagong krayola.

"Para naman magustuhan nilang lahat, para matuto sila na magkulay nito," sabi ni Chris.

Ayon sa guro na si Maria Birol, ipinatawag siya sa opisina ni Chris para ipaalam ang tungkol sa mga krayola na nais niyang ibigay sa mga mag-aaral.

Sabi ng guro na si Juliet Justo, "Nagtinginan lang kaming mga teacher at hindi namin namalayan na naiiyak na pala kami." 

"Si Chris ay special child with a special heart," dagdag niya.

Napag-alaman na nagsisilbi palang pangalawang tahanan ni Chris ang mga paaralan dahil madalas siyang bumisita sa silid-aklatan para magbasa ng mga libro.

Ipinanganak si Chris na may autism spectrum disorder, na nadiskubre ng kaniyang mga magulang noong batapa lang siya. Dahil hirap siyang mag-focus, natigil siya sa pag-aaral.

Gayunman, hindi ito naging hadlang dahil kusang nag-aral na mag-isa si Chris.

Dahil sa kaniyang kondisyon, maging tampulan din ng tukso si Chris.

"Binu-bully siya ng mga estudyante, binu-bully siya ng mga tao. Nakikipag-away ako sa kanila, sabi ko 'Kayo ang nasa tamang pag-iisip bakit ginaganiyang niyo si Cris?'" sabi ni Dely Dalida, tiyahin ni Chris.

Maaga ring namatay ang mga magulang ni Cris dahil sa sakit at mula noon ay tumira na siya sa kaniyang lolo at lola.

Ngayon, nananatili si Cris sa kaniyang mga tita habang nagtatrabaho ang mga kapatid.

"Para naman matuwa sila at ma-appreciate ang ginagawa kong pagkukulay dito para naman mabuhayan sila ng loob. Generosity is a blessing from heaven," sabi ni Chris tungkol sa kusang loob niyang pagbibigay ng crayons sa mga estudyante.--FRJ, GMA News